1,193 total reads
Nakiisa sa pananawagan ang mga lider ng simbahang nakapaligid sa Diocese of Romblon sa pamahalaan na simulan ang proseso ng pagkansela sa mining agreement ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa Sibuyan Island, kasunod ng panawagan para sa isang malawakan, malaya at siyentipikong pagsusuri sa operasyon ng kumpanya.
Sa isang joint pastoral statement, iginiit ng mga obispo, kasama ang CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at Caritas Philippines, ang kanilang mariing pagtutol sa panukalang malakihang metallic mining operations ng APMC sa Sibuyan.
Hiniling ng mga pastol kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DENR Acting Secretary Juan Miguel Cuna ang agarang pagsusuri sa compliance ng APMC sa mga batas pangkalikasan at pagmimina, “We call upon the National Government to order an immediate, comprehensive, independent, transparent, science-based, and participatory review of APMC’s MPSA, environmental permits and approvals, compliance and regulatory history, social acceptability, and cumulative environmental and social impacts,” anila.
Iginiit ng mga obispo na una nang kinumpirma at malinaw na nailahad ng mga apektadong komunidad at kinauukulang awtoridad ang mga legal, environmental, contractual, o regulatory grounds, kaya dapat “initiate without delay” ang proseso para sa pagkansela ng MPSA No. 304-2009-IVB.
Dagdag pa ng mga obispo, hindi maaaring ituring ang Sibuyan bilang karaniwang pinagkukunan lamang ng mineral dahil sa natatanging biodiversity nito, kabilang ang mga kagubatan, watershed, ilog, mangrove, bahura at karagatang magkakaugnay bilang isang ecosystem.
“If a species found only in Sibuyan disappears from Sibuyan, it disappears from the Earth,” ayon sa pahayag.
Iginiit din ng mga obispo na ang mga residente ng Sibuyan ay hindi lamang mga stakeholder na dapat konsultahin matapos makapagpasya ang pamahalaan.
“They are rights-holders and indispensable participants in determining the future of their island, their livelihoods, and the ecological inheritance of their children,” ayon sa joint pastoral statement.
Kasabay nito, nilinaw ng Simbahan na hindi nito tinututulan ang pag-unlad, ngunit hindi dapat isakripisyo ang tubig, seguridad sa pagkain, biodiversity at kapakanan ng mga susunod na henerasyon kapalit ng panandaliang pakinabang sa ekonomiya.
“Authentic development cannot force communities to choose between jobs and water, investment and food security, revenues and biodiversity, or short-term economic promises and the rights of generations yet unborn.” Sa halip, sinusuportahan ng Simbahan ang mga alternatibong kabuhayan tulad ng sustainable agriculture and fisheries, community-based ecotourism, renewable energy, ecosystem restoration at responsableng lokal na negosyo.
Mariing nanindigan at iginiit ng mga lokal na simbahan ang kanilang paninindigan para sa Sibuyan Island.
“Sibuyan is not a sacrifice zone. Protect Sibuyan. Protect our shared seas. Protect our common home. Let Sibuyan live.”
Pinangunahan ni Romblon Bishop Narciso Abellana ang pahayag, katuwang ang CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at Caritas Philippines sa pamumuno ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza.
Lumagda rin sa panawagan sina Capiz Archbishop Victor Bendico, Calapan Bishop Moises Cuevas, Kalibo Bishop Cyril Villareal, Boac Bishop Edwin Panergo, San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., Lucena Bishop Mel Rey Uy, Gumaca Bishop Euginius Canete, at Antique Bishop Marvyn Maceda.





