617 total reads
Hindi dapat manatili sa mga pahayag, programa at adbokasiya ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang mariing panawagan ng Caritas Philippines sa mga diyosesis at Catholic institutions na gawing bahagi ng mismong sistema ng pamamahala ng Simbahan ang ecological conversion, kabilang ang pag-aalis ng pamumuhunan at financial resources sa mga industriyang nagdudulot ng malubhang pagkasira ng kalikasan.
Sa pastoral letter ng Caritas Philippines sa 2026 Season of Creation, iginiit ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng social arm ng CBCP at interim chairperson ng Integral Ecology Ministry, na ang pangangalaga sa sangnilikha ay hindi maaaring ihiwalay sa kabuuang misyon ng Simbahan.
“Integral ecology is not simply another ministry of the Church. It is a dimension of the Church’s entire mission,” ayon sa pahayag ni Bishop Alminaza.
Apela ng Caritas Philippines sa bawat diyosesis na itatag at palakasin ang Integral Ecology Ministry at isama ang ecological conversion sa liturhiya, katekesis, social action, edukasyon, youth ministry, pananalapi at investments, procurement, construction, administrasyon at pastoral planning.
Binigyang-diin ng obispo sa kanyang pastoral letter ang pananagutan ng Simbahan sa paggamit ng sarili nitong mga resources.
Aniya, kailangang ilayo ang Catholic investments at financial resources sa mga industriyang nagdudulot ng matinding pagkasira ng kalikasan, kabilang ang mapanirang pagmimina, logging, coal at fossil gas.
Hindi rin anila dapat gamitin ang mga donasyon, sponsorship at corporate social responsibility funds na taliwas sa pagiging prophetic witness ng Simbahan.
“Our prophetic witness must never be compromised by financial relationships that contradict our commitment to care for creation and defend vulnerable communities.”
Binigyang-diin ng pastoral letter na ang divestment, ethical investment at responsible financial stewardship ay hindi lamang mga desisyong pang-ekonomiya kundi “expressions of faith, integrity, and ecological conversion.”
Muling nanindigan ang institusyon sa pagtutol sa mapanirang large-scale commercial mining at unsustainable logging operations dahil sa pinsalang idinudulot ng mga ito sa kagubatan, watershed, biodiversity at mga komunidad.
“We reiterate our opposition to destructive large-scale commercial mining and unsustainable logging operations that devastate forests, watersheds, biodiversity, and communities.”
Umapela din ang Simbahan ng transparent, participatory, independent at credible ecological assessment para sa mga development project na maaaring magbanta sa biodiversity, lokal na kultura, ancestral domains at water security.
Mariin ding binatikos ng Caritas Philippines ang usapin ng pamamahala sa harap ng lumalalang climate crisis.
Ayon sa pastoral letter, lalong nagiging mapaminsala ang mga bagyo, pagbaha, landslide, tagtuyot, matinding init at water scarcity kapag sinabayan ng environmental degradation, inadequate infrastructure, poor governance at corruption.
Kabilang sa pinakaapektado ang mahihirap, magsasaka, mangingisda, Indigenous Peoples, manggagawa, kababaihan at mga bata.
Nanawagan din ang Simbahan para sa makatarungang paglipat tungo sa malinis at renewable energy, ngunit iginiit na hindi dapat ang mahihirap ang magbayad sa halaga ng transition.
“The poor must not bear the cost of the transition; they should become among its principal beneficiaries and participants.”
Dapat anilang tiyakin ang maaasahan at abot-kayang enerhiya, proteksyon sa mga manggagawa at komunidad, pagbawas sa energy poverty at pagbuo ng decentralized at community-based renewable energy systems kung naaangkop.
Hamon ng Caritas Philippines sa mga diyosesis, parokya, paaralan, religious congregations, lay movements at pamilya na gawing konkretong gawain ang ecological conversion.
“Let us move from awareness to conversion. From statements to structures. From advocacy to practice. From isolated projects to sustained pastoral commitment.”
Kabilang sa iminungkahing sukatan ng tunay na pagbabago ang rehabilitasyon ng watershed, pagpapalaki ng mga punong itinanim, pagbawas sa plastic at basura, paggamit ng renewable energy, pagbabawas ng carbon emissions, pag-redirect ng investments, at proteksyon sa Indigenous at frontline communities at environmental defenders.
“Our credibility will ultimately be seen not only in what we proclaim, but also in how faithfully we live what we proclaim.”





