1,107 total reads
Nagbabala si Zamboanga Archbishop Julius Tonel na ang pananatili ng kapangyarihang pampolitika sa iilang pamilya ay maaaring magpalala ng impunity at katiwalian, na nakahahadlang sa pagsusulong ng katarungan at sa pangangalaga sa mga maralita sa lipunan.
Sa kanyang pagninilay sa ika-siyam na araw ng misa nobenaryo para sa kapistahan ng Nuestra Señora La Virgen del Pilar sa Fort Pilar Shrine noong October 11, binigyang-diin ng arsobispo na hindi dapat manatiling walang pakialam ang mga mananampalataya sa mga suliraning panlipunan, lalo na sa mga usapin ng mabuting pamamahala at paglaban sa kahirapan.
“When the power resides in the family, no one goes to jail. There is always impunity, and when they belong to the family, then they control, and corruption comes in,” ayon kay Archbishop Tonel.
Iniugnay ng arsobispo ang kanyang pagninilay sa tema ng kapistahan na synodal stewardship, na nagbibigay-diin sa sama-samang pananagutan ng Simbahan at ng mga mananampalataya sa pagsusulong ng kabutihang panlahat.
“We cannot remain indifferent. We cannot close our eyes. It is our duty to take care of the poor, to take care and love our country,” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang kabutihang panlahat ang dapat maging pangunahing layunin ng mabuting pamamahala.
Ito rin ay kaugnay ng panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa pagpapatibay ng isang makabuluhang batas laban sa political dynasty, na naglalayong bigyang-bisa ang probisyon ng 1987 Constitution tungkol sa pantay na pagkakataon sa paglilingkod-bayan.
Sa kanyang homiliya, binasa ni Archbishop Tonel ang pastoral letter ng CBCP na “A Time to Open Doors of Public Service,” na sumusuporta sa people’s initiative ng Dapat Isa Lang para sa isang tunay na batas laban sa political dynasty.
Binigyang-diin sa liham na hindi dapat ituring na pamana ng pamilya ang posisyon sa pamahalaan, sapagkat ito ay tiwala ng publiko na dapat gamitin para sa kapakanan ng lahat.
Bilang tugon, inatasan ng arsobispo ang mga parokya ng Archdiocese of Zamboanga na tumulong sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa inisyatiba at sa pag-alalay sa mga mananampalatayang nais lumahok dito.
Hinimok din niya ang mga parokya, sa pamamagitan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at iba pang mga ministry, na palakasin ang edukasyon ng mga mamamayan upang maunawaan ang layunin ng panukala at makalahok nang malaya at naaayon sa kanilang konsensiya.
Pinagnilayan ni Archbishop Tonel ang mga pagbasa sa banal na pagdiriwang, kung saan inaanyayahan ng Diyos ang bawat isa na makiisa sa Kanya.
“We are invited to trust Him, share our gifts in our stewardship to make room at the table, especially to those who are poor and excluded,” ayon pa kay Archbishop Tonel.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ng Birhen ng Pilar, binigyang-diin ng arsobispo na ang pananampalataya ay dapat makita sa konkretong pagkilos sa pamamagitan ng pangangalaga sa mahihirap, pagmamahal sa bayan, at pagtataguyod ng isang lipunang nakasentro sa katarungan at kabutihang panlahat.




