919 total reads
Itinuturing na mahalagang tulay ng pagkakaisa at dayalogo ng iba’t ibang relihiyon ang debosyon sa Nuestra Señora La Virgen del Pilar sa Zamboanga City, kung saan maging ang mga Muslim ay dumadayo sa dambana upang manalangin at magsindi ng kandila.
Ayon kay Fr. Celson Manalo II, shrine administrator ng Archdiocesan Shrine of Our Lady of the Pillar, ipinamamalas nito ang natatanging debosyon sa patrona ng Zamboanga City kung saan pinagbubuklod ang bawat isa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananampalataya.
“Hindi lang po ang mga Katoliko ang pumupunta rito. Ang daming pumupunta, lalo na ang mga kapatid nating Muslim. Nagdarasal din po talaga sila at nagsisindi ng kandila,” pahayag ni Fr. Manalo sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng pari na naaayon sa diwa ng synodality ang natatanging debosyon sapagkat nagsisilbing tagpuan ng iba’t ibang relihiyon ang dambana ng Birhen del Pilar, kung saan naisasabuhay ang sama-samang paglalakbay ng sambayanan sa pamamagitan ng pakikinig, pakikibahagi, at pagkakaisa.
Ngayong taon, ipinagdiriwang ang ika-292 na kapistahan ng Mahal na Birhen sa temang “Mary: Inspiration towards Synodal Stewardship,” na bahagi rin ng paghahanda para sa ika-300 na anibersaryo ng debosyon kay Maria sa Fort Pilar.
Ayon kay Fr. Manalo, isinasaalang-alang sa taunang tema ang mga pangangailangan at mahahalagang usapin ng lokal na Simbahan ng Zamboanga.
Ibinahagi rin ng pari ang mga hakbang sa pagpapatibay ng debosyon, kabilang na rito ang planong isulong ang pagkilala sa Fort Pilar Shrine bilang pambansang dambana.
“We are also planning and engaging with the CBCP para maging National Shrine ang Our Lady of the Pillar,” dagdag ng pari.
Hinimok din ni Fr. Manalo ang mga deboto mula sa iba’t ibang lugar na patuloy na dumulog sa Mahal na Birhen at manalangin para sa kaligtasan ng mga mamamayan at mga deboto sa Zamboanga.
Batay sa kasaysayan, nagsimula ang debosyon nito noong 1635 nang itatag ng mga Espanyol ang kutang unang tinawag na Real Fuerza de San José bilang pananggalang laban sa mga pag-atake.
Noong 1734, pinalitan ang pangalan ng kuta bilang Real Fuerza de Nuestra Señora La Virgen del Pilar de Zaragoza matapos mailuklok ang imahe ng Birhen del Pilar na dinala mula sa Zaragoza, Spain.
Natatangi ang dambana ng Fort Pilar dahil ito ay isang outdoor shrine na kinilala bilang National Cultural Treasure noong August 1, 1973 at itinalaga bilang archdiocesan shrine noong October 8, 2025.




