801 total reads
Hinimok ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga mananampalataya na magbuklod sa pananalangin para sa ligtas at matagumpay na operasyon ni Pope Leo XIV.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng obispo ang kahalagahan ng pagbubuklod ng Simbahang Katolika para sa agarang paggaling ng pinunong pastol upang maipagpatuloy nito ang mga gawaing pagpapastol lalo na sa mahigit isang bilyong katoliko sa mundo.
“The Catholic Church in the Philippines remains united in prayer for the Holy Father, asking the Lord to restore him to full health and renewed vigor, so that he may continue to shepherd God’s people and faithfully carry out his Petrine ministry with wisdom, compassion, and strength,” ayon kay Bishop Santos.
Dalangin ng obispo na gabayan ng Panginoon ang mga doktor at iba pang medical personnel na mangangalaga sa Santo Papa.
“We pray that his forthcoming surgery may proceed safely and successfully, that the Lord may guide the hands, minds, and hearts of the medical team entrusted with his care, and that he may be granted a swift and complete recovery,” dagdag ng obispo.
Tiniyak din ni Bishop Santos ang pakikiisa ng Diocese of Antipolo sa pananalangin para sa Santo Papa sa pamamagitan ng mga Banal na Misa at iba pang mga panalangin.
Ipinagkatiwala rin ng obispo ang kalusugan at paggaling ni Pope Leo XIV sa pamamagitan ng panalangin sa Nuestra Señora de La Paz y Buen Viaje, patrona ng diyosesis, upang samahan at pangalagaan ang Santo Papa sa panahon ng kanyang pagpapagaling.
Kamakailan ay ibinahagi ni Pope Leo na sasailalim ito sa operasyon matapos madiskubre ng mga doktor ang bukol sa bahagi ng kanyang baga.
Agad namang nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa lahat ng mga mananampalataya na ipanalangin ang kagalingan ng Santo Papa.




