1,750 total reads
Pinalalawak ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth at Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang access sa serbisyong pangkalusugan ng may 80-libong Persons Deprived of Liberty o PDLs sa buong bansa.
Sa bisa ng Memorandum of Agreement o M-O-A na nilagdaan ng PhilHealth at B-J-M-P, ire-rehistro ang mga P-D-Ls sa PhilHealth upang magkaroon ng access sa mga benepisyong pangkalusugan, kabilang ang mga serbisyong saklaw ng Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP.
Kabilang sa hakbang ang accreditation ng mga clinic sa mga pasilidad ng B-J-M-P upang mapalakas ang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga taong nakapiit sa 28 pasilidad ng ahensiya sa buong bansa.
Ayon kay PhilHealth Acting President and Chief Executive Officer Dr. Beverly Lorraine Ho, bahagi ito ng pagsusulong ng Universal Health Care upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa access sa serbisyong pangkalusugan, kabilang ang mga nasa kustodiya ng pamahalaan.
Inihayag naman ni B-J-M-P Jail Director Efren Nemeño na makatutulong ang awtomatikong pagpapatala ng mga PDL sa National Health Insurance Program upang matugunan ang matagal nang kakulangan sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga piitan sa buong bansa.
Binibigyan-diin sa ensiklikal na Fratelli Tutti ni Pope Francis ang pagkakapatiran at pagkakaisa ng lahat ng tao, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay.




