1,246 total reads
Ipinagdiriwang ng Catholic Physicians’ Guild of the Philippines (CPGP) ang ika-90 anibersaryo nito kasabay ng 2026 Annual Convention na nakatuon sa mga usaping bioethics at pagpapahalaga sa buhay ng tao sa bawat edad at yugto.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, sinabi ni Dr. Edwin Rodriguez, Overall Chairperson ng 90th Anniversary at 2026 Annual Convention ng CPGP, na gaganapin ang pagtitipon sa Oktubre 24, 2026 sa University of Santo Tomas (UST), kung saan unang nabuo ang organisasyon.
Tema ng pagtitipon ang “Bioethics Through Life’s Ages and Stages,” na tatalakay sa iba’t ibang ethical dilemmas na maaaring kaharapin ng mga healthcare professionals mula sa pagsisimula ng buhay hanggang sa pagtanda.
Ayon kay Rodriguez, kabilang sa mga paksang tatalakayin ang mga usapin tungkol sa mga sanggol na may congenital anomalies, genetic testing sa mga bata, medical experimentation, pangangalaga sa mga pasyenteng may dementia o Alzheimer’s disease, at mga ethical dilemma na mismong nararanasan ng mga healthcare professionals.
“Ang mga topics po kasi dito ay binabakas po ‘yung mga ethical dimensions, ethical tensions po across the different ages.” Bahagi ng pahayag ni Rodriguez sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag din ni Rodriguez na ang bioethics ay sangay ng ethics na ginagamit upang suriin ang mga prinsipyo ng tama at mali kaugnay ng buhay ng tao, isang mahalagang kaalaman para sa mga doktor at iba pang healthcare workers na maaaring humarap sa mahihirap na desisyong medikal sa kanilang araw-araw na serbisyo.
“Bilang mga manggagamot po at ‘yung mga allied health care workers po na kasama natin sa pag-aalaga ng mga buhay ng mga pasyente, isa po ito sa mahalagang aspeto na kailangang matibay po ang ugat ng kaalaman sapagkat hindi po maiwasan na maharap ang isang health care professional o medical professional sa mga bioethical tensions at bioethical dilemmas.” Dagdag pa ni Rodriguez.
Binigyang-diin din ni Rodriguez na ang pagpapahalaga, pagprotekta, at pangangalaga sa buhay ay mahalagang bahagi ng panunumpa ng isang manggagamot.
“Ang pagpapahalaga at pag-aalaga, protection at preservation po ng buhay at all humanly possible cost po.” Ayon pa kay Rodriguez.
Para sa CPGP, mahalagang mapalalim ang pag-unawa ng mga doktor sa ugnayan ng kanilang propesyon, science, ethics at pananampalataya upang makapagpasya nang may paggalang sa dignidad ng bawat pasyente.
Ayon kay Rodriguez, maraming pagkakataon kung saan maaaring magtulungan ang pananampalataya at medisina sa pangangalaga sa tao.
“Hindi po totoo na may conflict ang Catholic faith at ang medisina. In fact, baligtad po, marami pong interfaces na strongly complementary po ang Catholic faith at ang medicine.” Ani Rodriguez.
Dahil dito, nais ng CPGP na maging mas bukas at accessible sa publiko at sa mga healthcare professionals ang organisasyon upang maipaliwanag ang pananaw ng Simbahan sa mga usaping may kinalaman sa buhay at medisina.
Sinabi rin ni Rodriguez na bukas ang kanilang convention hindi lamang sa mga Catholic physicians kundi maging sa mga interesadong healthcare professionals, religious personnel, hospital chaplains at iba pang nais mas maunawaan ang aplikasyon ng bioethics sa medical profession.
Sa ika-90 taon ng Catholic Physicians’ Guild of the Philippines, nais ng organisasyon na higit pang palawakin ang presensya nito bilang katuwang ng Simbahan at ng healthcare community sa pagsusulong ng isang medisina na nakaugat sa kaalaman, konsensya, ethics at paggalang sa dignidad ng buhay ng bawat tao.




