1,073 total reads
Nanawagan si Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa publiko na panatilihin ang paggalang sa mga labi ng mga yumao at higit pang palakasin ang sama-samang pananalangin ng mga pamilya ngayong Undas.
Hinimok ni Bishop Pabillo ang mga pamilyang nagpapasya sa cremation na ilagak ang mga abo ng kanilang mga mahal sa buhay sa mga simbahan o itinalagang pampublikong lugar, sa halip na kumuha ng bahagi nito upang gawing palamuti sa kuwintas o personal na alaala.
“Dapat ‘yung integridad ng mga yumao ay igalang natin. So hindi po ‘yan isang memory, alaala kaya aalahanin ko si tatay, kukuha ako ng ilang mga bahagi ng ashesy. Hindi po tama ‘yun, hindi po paganang ‘yun, parang pinupuputol-putol natin ang bahagi ng kanyang katawan. Hindi po ‘yung kukuha ng mga bahagi, kasi malaki rin ang pagkakataon na ‘yung mga kinukuha natin ng ashes ay maaaring ma-desecrate,” bahagi pa ng panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Binigyang-diin ng Obispo na mahalagang mapanatili ang integridad ng mga labi ng yumao upang maiwasan ang pagkawala, pagpapabaya o paglapastangan sa mga ito.
Hinikayat din ni Bishop Pabillo ang mga pamilyang dadalaw sa mga sementeryo na maglaan ng panahon sa pananalangin at pagdalo sa Banal na Misa, lalo na sa Nobyembre 1 na matatapat sa araw ng Linggo ngayong taon.
Ayon sa Obispo, nagsisilbi ring pagkakataon ang Undas upang muling magsama-sama ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan, kaya mahalagang gawing bahagi ng tradisyon ng pamilya ang sama-samang pagsisimba at pagdalaw sa mga yumao.
“Sa Undas po, ‘yan po ang nagpapatandang pagkakataon para sa mga pamilya na magkasama-sama. Kaya maraming mga taon naglalakbay papunta po sa kanilang mga bayan upang makaisa sa kanilang pamilya at makaisa rin sa kanilang mga yumao. Para sa atin po, ang mga yumao natin ay bahagi pa rin ng ating pamilya. Kaya nga umuuwi tayo sa kanila at doon nakikita-kita ang mga magkakamag-anak, ang mga magkakaibigan. Sana mas lalo nating palakasin ito sa ating sama-samang pagdarasal, lalong-lalo na ngayong taon na ang November 1 ay araw ng Linggo, magsimba po tayo.” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Pabillo.
Naunang nanawagan si Rev.Father Nicanor Lalog II sa mananampalataya na itigil ang paglapastangan sa labi ng mga yumao.
Read: https://www.veritasph.net/paglapastangan-sa-mga-namatay-pinuna-ng-opisyal-ng-simbahan/




