1,161 total reads
Ipinagkatiwala ng Diocese of Legazpi Social Action Center sa pangangalaga ng Nuestra Señora de Salvacion ang buong lalawigan ng Albay kasunod ng muling pagliligalig ng Bulkang Mayon.
Idinalangin ng social action arm ng diyosesis ang kaligtasan ng mga residenteng nakatira malapit sa bulkan, lalo na ang mga pamilyang direktang apektado ng aktibidad nito.
“As Mayon Volcano shows signs of unrest, we entrust to the maternal care of Nuestra Señora de Salvación, Heavenly Queen of Albay, all our brothers and sisters, especially those living in communities near the volcano,” ayon sa pahayag ng Diocese of Legazpi SAC.
“We pray for their safety and protection, for the vigilance and wisdom of our authorities and disaster response personnel, and for the strength of families who may be affected by volcanic activity.”
Ipinanalangin din ang maingat na pagbabantay at tamang pagpapasya ng mga awtoridad at disaster response personnel sa gitna ng banta ng pagputok ng bulkan.
Kasabay nito, hinimok ng Social Action Center ang publiko na manatiling alerto, makinig at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at magmalasakit sa mga higit na nangangailangan.
Ang Nuestra Señora de Salvacion ang patrona ng Diocese of Legazpi at kinikilalang makalangit na patrona ng lalawigan ng Albay.
Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS sa Alert Level 3 ang babala sa Bulkang Mayon dahil sa mataas na antas ng aktibidad nito.
Iniutos na rin ng lokal na pamahalaan ang paglikas ng mga komunidad na nanganganib dahil sa posibleng pag-agos ng lava, pagguho ng mga bato at pyroclastic density current o mabilis na daloy ng mainit na abo, bato at gas mula sa bulkan.
– Marian Navales Pulgo, Kenneth Corbilla




