1,696 total reads
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga Katoliko sa buong mundo na gamitin ang kanilang yaman hindi lamang para sa pansariling kapakinabangan kundi bilang paraan ng pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan.
Ito ang sentro ng kanyang prayer intention ngayong Nobyembre, kung saan nanawagan ang Santo Papa na ipanalangin ang wasto at makatarungang paggamit ng mga biyayang tinatanggap ng bawat tao.
“Nothing is ours alone — everything is a shared gift.,” ayon kay Pope Leo.
Sa kanyang mensahe, ipinaalala ni Pope Leo na ang pera, kakayahan, oras at mga oportunidad ay hindi lamang para ipunin o angkinin, kundi mga biyayang dapat ibahagi sa kapwa.
Nagbabala rin ang pinunong pastol na maaaring maging dahilan ng pagiging makasarili ang labis na paghahangad sa kayamanan, lalo na kung nagiging instrumento ito ng kapangyarihan sa halip na paglilingkod.
Dagdag pa ng Santo Papa, “we let the wealth we seek or attain harden our hearts, lock us in selfishness, and make us forget the most vulnerable.”
Binigyang-diin ng Santo Papa na ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa dami ng pag-aari, kundi sa pagmamahal at kabutihang naibabahagi sa iba.
Hiniling din ni Pope Leo na maging gabay ang malasakit at pagkakapatiran sa mga pasya ng bawat pamilya at komunidad, lalo na sa paggamit ng kanilang mga pinagkukunan upang makatulong sa pagtataguyod ng katarungan at kapayapaan.
“Make us witnesses of a wealth transformed into service and mercy, so that our lives, united to the lives of others, may be a sign of your Kingdom of justice and peace. Amen,” bahagi pa ng panalangin ng Santo Papa.




