3,810 total reads
Kinuwestiyon ng IBON Foundation ang itinakdang ₱96 kada araw na poverty threshold, at iginiit na malayo ito sa aktuwal na halaga ng mga pangunahing pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni IBON Foundation Spokesperson Casey Salamanca na hindi makatotohanan ang naturang halaga bilang batayan ng kahirapan dahil nakabatay ito sa pinakamurang presyo ng pagkain at tinatayang gastusin para sa iba pang pangangailangan.
“Kulang na kulang po talaga at parang hindi po talaga natin maisip kung saang daigdig, kung saang planeta po talaga puwede itong 96 pesos per day,” bahagi ng pahayag ni Salamanca sa Radyo Veritas.
Paliwanag niya, bagama’t may batayang minimum energy requirement ang pamahalaan sa pagkukuwenta ng poverty threshold, kuwestiyonable naman ang presyong ginagamit dahil hindi ito tumutugma sa aktuwal na karanasan ng mga mamimili.
“Ang problem po, ‘yung pricing na pinagbabasehan, malayo po sa karanasan ng marami sa ating mga kababayan, so malayo po doon sa talagang nararanasan natin sa araw-araw,” dagdag pa ni Salamanca.
Batay sa pagtataya ng IBON Foundation, umaabot sa ₱1,390 kada araw ang family living wage o sahod na kailangan ng pamilyang may limang miyembro upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at magkaroon ng marangal na pamumuhay.
Kabilang dito ang sapat na pagkain, edukasyon ng mga bata at pamasahe papunta sa trabaho.
Malaki ang agwat nito sa tinatayang pambansang average minimum wage na ₱520 kada araw.
Ayon kay Salamanca, hindi rin sapat ang karaniwang sahod upang matugunan ang poverty threshold na ₱14,634 kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro.
“Hindi rin po rason ‘yan na dapat dalawa kayong magtrabaho. Hindi po eh. Ang main issue po talaga natin dito, bakit ang baba ng standard natin para bilangin kung sino talaga ‘yung mahirap?” ayon pa kay Salamanca.
Sa pananaw ng Simbahan, mahalagang matiyak ang makatarungang sahod at mga patakarang isinasaalang-alang ang tunay na pangangailangan ng bawat pamilya.
Bahagi ito ng pagtataguyod sa dignidad ng tao, dahil dapat magkaroon ang bawat manggagawa ng sapat na kita upang masuportahan ang pamilya at mamuhay nang marangal.




