2,802 total reads
Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga kabataan na talikuran ang mga bisyo at makamundong tukso at sa halip ay piliin ang buhay na nakasentro kay Hesukristo.
Sa pakikipagpulong sa tinatayang isang milyong kabataan sa Buenos Aires, Argentina, tiniyak ng Santo Papa na walang nakaraan o pagkakamali ang makahahadlang sa sinumang nais lumapit sa Simbahan at magbagong-buhay.
Binigyang-diin ni Pope Leo na dapat iwasan ng mga kabataan ang labis na paghahangad sa salapi, pagkilala, magandang imahe at pansariling kasiyahan na maaaring maglayo sa kanila sa Diyos.
“Idols arise and demand our worship: success at any cost, money, an obsession with appearance, popularity or the unrestrained pursuit of pleasure. Sometimes, in order to win the approval of others, we may go so far as to lie, betray or humiliate someone on social media,” ayon kay Pope Leo.
Dagdag pa ng Santo Papa, “There are also those who make a business of offering pleasures that ultimately enslave us, such as pornography and addictive substances.”
Kabilang din sa mga babala ng Santo Papa ang pornograpiya at paggamit ng mga nakalululong na droga at iba pang bisyo.
Ayon kay Pope Leo, mahal ni Hesukristo ang bawat tao anuman ang kanilang nakaraan, ngunit hindi nangangahulugang dapat manatili ang isang tao sa kasalanan at mga gawaing nakapipinsala sa sarili at kapwa.
“Whoever you are and whatever you may have done, Jesus Christ knows you, loves you and wants you to be close to him,” the pope said. “No one has fallen so low that Christ cannot raise them up,” paliwanag ng Santo Papa.
Hinimok din ng pinunong pastol ang mga kabataan na magsisi, mangumpisal, magdasal, magbasa ng Bibliya at tumanggap ng Banal na Eukaristiya upang higit na mapalalim ang kanilang pananampalataya.
Binigyang-diin din ni Pope Leo na ang tunay na pagsunod kay Kristo ay dapat makita sa pagtulong sa kapwa, gaya ng pagbibigay ng pagkain sa nagugutom, pagtanggap sa mga walang tahanan at pagdalaw sa mga maysakit at pinababayaan ng lipunan.
Ang pagtitipon ay bahagi ng pagbisita ng Santo Papa sa Argentina, kung saan umabot sa tinatayang dalawa’t kalahating milyon ang dumalo sa kanyang misa noong nakaraang araw.
Kaugnay nito, dumating na sa Peru si Pope Leo XIV nitong Miyerkules, Nobyembre 11, para sa huling bahagi ng kanyang apostolic journey sa South America.
Malugod na sinalubong ang Santo Papa sa Callao Air Base ng mga kinatawan ng pamahalaan, mga bata at iba pang mamamayan.
Binigyan din siya ng mga bata ng bulaklak at naghandog ng awitin bilang bahagi ng pagtanggap sa kanyang pagdating.
Mula sa paliparan, nagtungo si Pope Leo sa Lima para sa opisyal na seremonya sa Presidential Palace at pakikipagpulong sa Pangulo ng Peru na si Keiko Fujimori.
Nakipagpulong din siya sa mga opisyal ng pamahalaan, kinatawan ng civil society at diplomatic corps upang talakayin ang mahahalagang usapin sa bansa.
Sa anim na araw na pagbisita, nakatakda ring makipagpulong ang Santo Papa sa mga obispo ng Peru at magdaos ng panalangin sa kanilang katedral.
Bumisita rin ang Santo Papa sa Chiclayo, kung saan dati siyang naglingkod bilang misyonerong Augustino at obispo mula 2015 hanggang 2023.
Kabilang din sa kanyang mga pupuntahan ang Cusco at Pucallpa, kung saan makikipagkita siya sa mga misyonero at kinatawan ng mga katutubong pamayanan sa rehiyon ng Amazon.
Magtatapos ang kanyang pagbisita sa pagdaraos ng Banal na Misa sa Las Palmas Air Base sa Nobyembre 16 bago bumalik sa Roma.
Ang Peru ang ikatlo at huling bansa sa paglalakbay ni Pope Leo XIV sa South America, matapos ang kanyang mga pagbisita sa Uruguay at Argentina




