162 total views
Mga Kapanalig, mukhang hindi naging epektibo ang paglalabas ni Pangulong Duterte ng kaniyang narco-list upang kumbinsihin ang mga botanteng huwag iboto ang mga inaakusahan niyang narco-politicians.
Sa 46 na lokal na opisyal na nakasama sa listahang isinapubliko ng pangulo noong Marso, 36 ang tumakbo nitong nagdaang eleksyon at 26 sa kanila ang nanalo. Labing-walo ang nanalong mayor, tatlo ang bise-alkalde, dalawa ang kongresista, isa ang bise-gobernador, isa ang provincial board member, at isa ang konsehal.
Nakailang narco-lists na si Pangulong Duterte, at ang pinakauna sa mga ito ay inilabas noong 2016 kung saan halos 200 na pulitiko ang kanyang pinangalanan at idinawit nang walang paliwanag kung paano nabuo ang listahan. Ilan sa mga pulitikong iyon ay kabilang sa pinakahuling listahan. Ang kaibahan lang ng huling narco-list sa mga nauna, inilabas iyon sa panahon ng kampanya, kaya’t sa tingin ng ilan, pamumulitika lamang ang pinaggamitan niyon. Itinanggi ito ng adminsitrasyon at sinabing layunin ng paglalabas ng narco-list na gabayan ang mga botante upang bumoto nang tama.
Ngunit pinili pa rin ng mga botante ang ilan sa mga nasa narco-list batay nga sa naging resulta ng eleksyon. Marahil may mga naniwalang black propaganda lamang paglalabas ng narco-list at tiwala silang inosente ang mga inakusahan ng pangulo hangga’t hindi napatutunayan sa korte. Posible rin namang hindi na batayán ng mga botante kung totoo o hindi ang kaugnayan ng mga pulitiko sa iligal na droga. Mas nakababahala kung totoo ang paniwala ng isang senador na ginamit ng mga narco-politicians ang kanilang drug money upang bumili ng boto at marami naman ang nagbenta ng kanilang boto.
Alinman sa mga ito ang paliwanag sa likod ng pagkakapanalo ng mga sinasabing narco-politicians, mahalagang tiyaking hindi manatiling listahan lamang at batayan ng paninira ang narco-list. Kung hindi aaksyon ang pamahalaan upang imbestigahan ang mga pulitiko at upang kasuhan ang mga dapat kasuhan, hindi mananaig ang katotohanan at hindi makakamit ang katarungan. Nadudungisan ang pangalan ng mga inosenteng pulitiko samantalang nananatiling malaya ang mga tunay na sangkot sa iligal na droga.
Ngunit tandaan nating ang pagpapahalaga sa katotohanan at pagtataguyod ng katarungan ay may mas malawak na layunin—ang pangalagaan ang dignidad ng tao at ang kabutihang panlahat. At nagsisimula ito sa pagsasaayos ng ugnayan ng mga tao, na posible lamang sa isang lipunang pinaiiral at iginagalang ng lahat ang batas. Posible ito kung tutuparin ng pamahalaan ang tungkulin nitong wasakin ang mga istruktura ng kasalanan at ituwid ang mali gamit ang katotohanan.
Sa kaso ng narco-politics, bagamat sinasang-ayunan natin ang sinasabi ng administrasyon na sinisira nito ang ating bayan, kailangang patunayan ng pamahalaang kaya nitong papanagutin ang mga pulitikong sangkot sa droga, hindi lamang ang siraan sila sa publiko. Dahil kung nakikita ng publikong batay sa katotohanan ang narco-list at napananagot ng pamahalaan ang mga kasama rito, hindi na nakatakbo at nanalo noong nakaraang eleksyon ang mga tinaguriang narco-politicians. Hangga’t walang malinaw na pinatunguhan ang paggamit ng narco-list, mananatili itong walang saysay na listahan.
Mga Kapanalig, isa lamang ang narco-politics sa napakaraming mali at baluktot sa ating pulitika at lipunan. Malalim ang pinag-uugatan nito, ngunit malaki ang epekto sa dignidad ng tao at kabutihang panlahat—lalo na ng mga nabibiktima ng droga at ng mga botanteng niloloko ng mga pulitikong sangkot sa iligal na gawaing ito. At sa lawak ng epekto nito, napapanatili nito ang hindi pagkakapantay-pantay sa bansa at ang pang-aapi at panloloko ng mga huwad na lingkod-bayan. Paikut-ikot itong problema na hindi masusolusyunan ng pananakot at paninindak gamit ang mga listahan. Sa pagkakapanalo ng mga inaakusahang narco-politicians, walang ibang sandata ang pamahalaan kundi ang katotohanan at tamang proseso ng batas.
Sumainyo ang katotohanan.