2,190 total views
Ipinintang larawan ni Hesus bilang isang sakada, o magsasaka sa tubuhan, ang inihandog na regalo ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Seminaries, sa Kanyang Kabanalan Francisco, sa ikalawang bahagi ng Visita Adlimina Apostolorum sa Roma.
Makikita sa larawan ang mga tubo (sugarcane) na siyang pangunahing produktong sinasaka sa Negros provinces.
Bukod dito, ang karet na pantabas sa mga tubo ay sumisimbulo sa sipag at tiyaga ng mga magsasaka.
Ang mga bala na may dugo ang nagpapakita ng militarisasyong kumikitil sa buhay ng mga magsasaka at ang katagang nasusulat sa Bisaya na Hesus sa Katubhan ay nangangahulugang si Hesus sa Tubuhan.
Ayon kay Bishop Alminaza, ipinakikita ng larawan ang kalagayan ng mga magsasaka na magpahanggang sa kasalukuyan ay nananatiling mahihirap dahil sa hindi makatarungang pasuweldo, at kawalan ng sariling lupang sakahan.
Sinasalamin din dito ni Hesus ang panghabang buhay na pagka-alipin ng mga magsasaka sa mga mayayamang nagmamay-ari ng tubuhan, at sa kabila ng kanilang pakikipaglaban para sa katarungan ay sinusuklian sila ng karahasan.
“This is the icon of Jesus, the ‘sugarcane worker’ locally called the ‘sacadas.’ Until today, the sugarcane workers are being paid unjustly of their work in the field, and yet contributing to the economic growth of Negros island (Philippines); without social and health benefits. This icon challenges us to see Jesus in the lives of our brothers and sisters in the peripheries of struggle in the sugarcane fields; often enslaved by poverty in their lifetime. They fought for land and justice—ending up dead from the very hands of our state forces.” pahayag ni Bishop Alminaza sa kaniyang Facebook post.
Matatandaang Oktubre noong nakaraang taon nang paslangin ang 9 na mga magsasaka sa Hacienda Nene sa Barangay Bulanon, Sagay City sa Negros Occidental.
Sa Encyclical ni Pope Paul the 6th noong 1967 na Populorum Progressio, o On The Development of People, inilahad ng Santo Papa ang nakababahalang pagpapahirap sa mga magsasaka.
Sinabi nito na mahalagang mabigyang katarungan ang mga mahihirap na magsasaka sa pamamagitan ng pantay na pamamahagi ng mga lupain at ng yaman sa mundo.