191 total views
Mga Kapanalig, patuloy ang patayan sa gitna ng iba’t ibang krisis sa bansa at kahit pa papalapit na Pasko.
Noong isang linggo, dumagdag sa listahan ng mga biktima ng walang habas na patayan sa isla ng Negros sina Dr. Mary Rose Sancelan at ang kanyang asawang si Edwin Sancelan. Sumunod ang pagpaslang sa mag-asawa sa kaso ni Zara Alvarez, isang human rights activist na pinatay noong Agosto. Bago sila, labing-apat na magsasaka ang pinatay ng mga pulis noong Marso ng nakaraang taon, bagamat ang target daw nila ay ang mga kasapi ng New People’s Army o NPA. Noong Oktubre 2018, pinaulanan ng bala ng mga ‘di pa rin nakikilalang salarin ang kubo ng isang pamilya ng magtutubó, kasama ang apat na babae at dalawang bata.[1]
Ang pagpaslang sa mag-asawang Sancelan ay nakapanlulumo ngunit hindi na nakagugulat. Noong isang buwan, nagsalita sa isang video si Dr. Sancelan tungkol sa takot na kanyang nadarama matapos siyang akusahang miyembro at tagapagsalita ng NPA sa Central Visayas. Mariin niyang itinanggi ang paratang na ito, at kinundena niya ang pagkakasama niya sa listahan ng mga rebeldeng inilabas ng Kagubak, ang anti-communist vigilante group sa Guihulngan, Negros Oriental. Siya na ang ikaanim na taong pinaslang mula sa listahang iyon.
Umani ng batikos ang ginawang pagpatay sa mag-asawang Sancelan mula sa Diyosesis ng San Carlos, Commission on Human Rights, Council for Health and Development, at iba’t ibang grupong nagsusulong sa karapatang pantao. Kilala si Dr Sancelan na relihiyosang Katoliko, iskolar ng mga Pransiskanong pari, at aktibong naglilingkod sa Simbahan. Siya rin ang nag-iisang doktor sa Guihulngan na may halos isandaang libong populasyon. Bagamat may mga alok sa kanyang magtrabaho sa ibang bansa, pinili niyang paglingkuran ang kanyang mga kababayan sa isa sa pinakamahirap na bayan sa Negros Oriental. Kilala ring vocal ang doktora sa pagtuligsa sa mga patayan sa probinsya na dahilan marahil kung bakit siya napasama sa listahan ng Kagubak. Sa kabila ng mga banta sa kanyang buhay, pinili niyang manatili sa Guihulngan at manguna sa pagtugon sa COVID-19.[2]
Ang patayang ito sa Negros ay iniuugnay sa mas malawak na patakaran ng pambansang pamahalaan na tuldukan ang local insurgency sa buong bansa. Matapos ang pagkakahinto ng peace talks sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at pamahalaan noong 2017, bumuo ang pamahalaan ng task force noong 2018 upang tutukan ang pagsugpo sa mga rebeldeng grupo. Binansagan ni Pangulong Duterte ang mga rebeldeng grupo na “terorista” at nangako ng pabuya sa mga makapapatay sa kanila. Sa kasamaang palad, maging ang mga aktibista at kritiko ng pamahalaan ay nagiging target, at nauuwi pa nga ang mga ito sa karahasan at kamatayan.
Naninindigan ang ating Simbahang kailanman ay hindi magiging tama ang pagpatay. Ang patuloy na pagdanak ng dugo sa ngalan ng sinasabing kapayapaan ay malinaw na pagyurak sa dignidad ng tao. Ang dignidad at karapatang mabuhay ng tao ay nakaugat sa walang maliw na pag-ibig at magandang plano ng Diyos.[3] Ang pagpatay sa mga Sancelan, mga human rights activists, mga magsasaka, manggagawa, environmental defenders, at maging ng mga pinaghihinalaang gumagamit ng droga sa buong bansa ay hindi mauuwi sa kapayapaan. Ang pagkitil sa buhay ng tao ay kawalan ng katarungan. Sa huli, tulad ng paalala sa Isaias 32:17, “Ang gawain ng katarungan ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katarungan ay katahimikan at pagkakatiwala kailanman.”
Mga Kapanalig, nananawagan tayo ng hustisya para sa lahat ng mga pinatay at ang tuluyang paghinto nang pagdanak ng dugo sa ating bayan. Ngayong Pasko, ang pagkakatawang-tao ng Diyos na simbolo ng buhay at pag-asa, mangibabaw nawa ang katarungang tunay na daan sa kapayapaan.