3,035 total views
Umaasa si Cebu Archbishop Jose Palma na katigan ng Vatican ang kahilingang hatiin ang arkidiyosesis upang higit na makapaglilingkod sa mananampalataya.
Nakatakdang ilalahad ng arsobispo ang planong paghahati sa pagtitipon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Hulyo na gaganapin sa Aklan.
“During our assembly (CBCP), I will have the time to present the proposal. There are various aspects of the proposal,” pahayag ni Archbishop Palma.
Pagbabahagi ni Archbishop Palma kasalukuyang nagsasagawa ng konsultasyon ng arkidiyosesis sa mga pari at mananampalataya hinggil sa usapin upang higit na maunawaan ng tao ang kahalagahan nito lalo na sa kanilang komunidad.
Sa mungkahi ng archdiocese hahatiin ito sa tatlo, ang Archdiocese bilang Mother Church, isang diocese sa Northern Cebu at isa naman sa Southern Cebu.
“This plan aims to serve more people, especially the far-flung areas and islands in the province,” ani ng arsobispo sa Radio Veritas.
Sinabi pa nitong tinitingnan ang Carcar City bilang sentro sa itatag na diyosesis sa Southern part habang pinagpipilian naman ang Danao City at Bogo City sa Northern Cebu.
Ang proyektong ‘Sugbuswak’ ay layong mapaigting ang misyon ng simbahan na paglingkuran ang mananampalataya lalo’t ang arkidiyosesis ang pinakamalaki sa bansa na may halos limang milyong katoliko na pinangangasiwaan ni Archbishop Palma katuwang sina Auxiliary Bishops Midyphil Billones at Ruben Labajo gayundin ang mga retiradong sina Bishops Emilio Bataclan at Antonio Ranola.
Katuwang din ng mga obispo sa pagpapastol sa Cebu ang 600 mga pari kung saan 400 dito ay diocesan habang mahigit sa 200 ay relihiyoso.
Sa Enero ng susunod na taon inaasahang isusumite sa Vatican ang balangkas ng planong paghahati sa arkidiyosesis upang mapag-aralan at aprubahan ng Santo Papa.