1,375 total views
Inihayag ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona na makakamtan lamang ang tunay at ganap na kapayapaan sa pamamagitan ng buong pusong pagtanggap kay Hesukristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Sa kanyang mensahe sa pagpasok ng Taong 2026, hinimok ng obispo ang mga mananampalataya na salubungin ang bagong taon na may malalim na pagninilay, pananampalataya, at pag-asa.
Binigyang-diin ni Bishop Mesiona na ang unang araw ng taon ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos na isang paalala na ang bagong taon ay hindi lamang panibagong yugto ng panahon kundi patuloy na paglalakbay sa espirituwal na aspeto ng buhay.
“The new year reminds us that our life is a progressive journey toward a destiny prepared for us by our Lord,” ayon kay Bishop Mesiona.
Hamon ng obispo sa mamamayan na pagnilayan ang mga karanasan sa nagdaang taon at dalhin ang mga aral nito upang maging handa sa patuloy na paglalakbay sa hinaharap.
“Reflection and review help us draw inspiration and strength as we face the future, the new year, with confidence and hope,” giit ng obispo.
Muli ring iginiit ni Bishop Mesiona ang kahalagahan ng pakikiisa ng bawat isa sa pananalangin para sa kapayapaan, lalo’t ang January 1 ay itinatalaga ng Simbahang Katolika bilang World Day of Prayer for Peace, sa gitna ng umiiral na mga digmaan at patuloy na hamong panlipunan at pampamilya sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon sa obispo, mahalagang bigyang-halaga ang panalangin para sa kapayapaan sa mundo, sa bansa, sa lipunan, sa bawat pamilya, at higit sa lahat sa bawat sarili, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi sapat ang mga panlabas na gawain upang makamit ang tunay na kapayapaan.
“As Christians, we believe we can truly achieve peace only by accepting Jesus as our Lord, the Prince of Peace,” dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Hinimok din ng obispo ang mga mananampalataya na ipagpatuloy ang diwa ng Pasko sa bagong taon sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang mga puso kay Hesus.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Bishop Mesiona ang mga mananampalataya sa kahalagahan ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos at Ina ng Simbahan, na maaaring lapitan at hingan ng panalangin at paggabay, lalo na para sa kapayapaan at paglago ng pananampalataya ng sambayanan.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ng obispo ang lahat na magpasalamat sa mga biyayang tinanggap sa nagdaang taon at salubungin ang 2026 na may pag-asa, kasabay ng panalangin para sa isang mapayapa, masagana, at masayang bagong taon para sa bawat isa.




