3,084 total views
Nagpaabot ng pagbati si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David kay Divine Word missionary priest Fr. Flaviano “Flavie” Villanueva, SVD na hinirang bilang isa sa mga 2025 Ramon Magsaysay Awardees — na tinaguriang pinakamataas na karangalan sa Asya.
Ayon sa Cardinal, kinikilala ng nasabing parangal ang ‘prophetic ministry’ ni Fr. Villanueva para sa mga mahihirap.
Pagbabahagi ni Cardinal David, ang naturang parangal ay isa ring kongkretong pagkilala sa pambihirang tapang at paninindigan ni Fr. Villanueva sa pagbibigay-dangal sa mga biktima ng extrajudicial killings at kanilang mga pamilya, kasabay ng patuloy na adbokasiya sa pagtataguyod para sa karapatang pantao, katarungang panlipunan, at pagmamalasakit sa kapwa lalo’t higit sa mga nangangailangan.
“We warmly congratulate Fr. Flaviano “Flavie” Villanueva, SVD for being named a 2025 Ramon Magsaysay Awardee, Asia’s highest honor. This recognition affirms his prophetic ministry among the poor, especially his courageous work of giving dignity to victims of extrajudicial killings and their families, and his tireless advocacy for human rights, justice, and compassion.” Bahagi ng pagbati ni Cardinal David.
Paliwanag ng Cardinal, sinasalamin ng mga adbokasiya at paninindigan ni Fr. Villanueva ang pagiging isang ganap na paring misyonero na malinaw na isinasabuhay ang mga panlipunang turo ng Simbahan at ang Mabuting Balita na nananawagan ng pagtataguyod sa kabanalan ng buhay ng bawat nilalang.
Dagdag pa ni Cardinal David, ang 2025 Ramon Magsaysay Award ay pagkilala hindi lamang para sa karangalan ni Fr. Villanueva kundi isang paalala rin sa Simbahan at sa lipunan na ang tunay na pananampalataya ay dapat makita sa gawaing may pag-ibig, habag, at pakikipagkapwa.
“His witness embodies the spirit of the Church’s social teachings and the Gospel call to uphold the sacredness of life. The Ramon Magsaysay Award Foundation could not have chosen a more fitting servant-leader to inspire Asia and the world with faith that acts in love.” Dagdag pa ni Cardinal David.
Ayon sa Ramon Magsasay Award Foundation (RMAF) ang pagpaparangal kay Fr. Villianueva ay bilang pagkilala sa pagtataguyod ng Pari sa pagpapabuti ng buhay at pagbabalik ng dangal ng mga mahihirap at inaapi sa pamamagitan ng pagtatatag noong 2015 ng Arnold Janssen Kalinga Center at Program Paghilom noong 2016 na nagkakaloob ng pagkalinga sa mga palaboy sa lansangan at mga naiwang kapamilya ng mga biktima ng EJK kasabay ng pagbabahagi ng pag-asa para sa bawat isa.
Taong 1957 ng itinatag ang Ramon Magsaysay Award bilang isa sa pinakamataas na parangal sa Asya na layuning bigyang pagkilala ang mga indibidwal, grupo o institusyong tunay na nagsusulong ng pag-unlad at pagbabago sa lipunan tulad ng naging buhay at paglilingkod sa bayan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.