8,897 total views
Nakahanda ang Caritas Manila na tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayang nasalanta ng bagyong Crising at patuloy na pag-ulan dulot ng hanging habagat.
Ito ang tiniyak ni Nicole Mactal, Caritas-Damayan Program Officer sa malakas na ulan na nararanasan sa National Capital Region at kalapit na lalawigan bunsod ng hanging habagat.
Ayon kay Mactal, nakahanda na ang mga food bags, thermos, sleeping mats, timba, jerry cans at kumo’t na ipapadala sa mga mangangailangang mamamayan na nasasakupan ng Archdiocese of Manila.
Nakahanda din ang Caritas Manila sa pagpapadala ng cash assistance sa mga Diyosesis na lubhang apektado ng baha.
Naka-standby din ang mga truck ng Caritas Manila lulan ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga mamamayang binaha dulot ng patuloy na pag-ulan.
“Prepared ang Caritas Manila ngayong panahon ng Bagyo since alam naman natin kung anong buwan dumadagsa ang bagyo, in terms of volume, may naka ready na tayong mga relief items, pag dito sa RCAM site may nakahanda tayong Food bags, Jerry cans, pails, Mats, Thermos and Blankets, when it comes sa outside RCAM, mostly cash ang pinapadala natin para ang goods ay doon na ipapurchase para convenient din sa kanila and less hassle,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Mactal sa Radyo Veritas.
Paalala naman ni Mactal sa mga Pilipino ang ibayong pag-iingat sa maulang panahon kasunod ng pagiging mapagmatyag sa kalagayan ng kanilang mga kinaroroonan higit na sa biglaang pagtaas ng tubig baha.
“Ngayong panahon ng bagyo, mag doble ingat ang lahat dahil hnd naman natin alam kung ano pwedeng mangyare pero hiling natin ang kaligtasan ng lahat,” ayon sa sa mensahe ni Mactal.