3,084 total views
Hindi sang-ayon ang isang opisyal ng simbahan sa mungkahing muling buksan ang usapin ng pagbabago ng Saligang Batas bilang solusyon sa mga kinakaharap na mga problema ng bansa.
Ito ang pananaw ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs.
Nangangamba ang pari na maaring malihis ng usapin ng charter change mula sa mas mahalagang usapin ng bansa, kaya’t hindi naangkop na itulak ang pagsasaayos ng Saligang Batas.
“May not be the proper time to insert the issue of Con-Con when the country is already divided. Con-Con may only take away the focus from the more pressing needs of the country at the moment,” ayon kay Fr. Secillano.
Naniniwala ang pari na hindi malabo ang probisyon sa Konstitusyon, sa halip ay binabaluktot lamang ng ilang mga abogado na siyang nagpapahirap sa usapin.
Iginiit ng pari na madaling unawain ang mga probisyon ng Saligang Batas ng kahit hindi mga abogado.
Dagdag pa ng pari, “It’s a complicated solution to an otherwise simple provision that is easily understood by even a non-lawyer. It’s not the provision that’s vague. It’s the twisted logic of professed lawyers that make issues complicated.”
Una ng nanawagan si Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) chairman Ronaldo Puno sa pagsasagawa ng isang constitutional convention (ConCon) para muling pag-aralan at ayusin ang 1987 Konstitusyon,
Giit ng kongresista, layunin nitong alisin ang matagal nang malalabong probisyon at mga pagkukulang na nagpapahina sa batas at sa tiwala ng taumbayan.
Partikular na tinukoy ng kongresista, ang magkakaibang pakahulugan sa salitang ‘forthwith’ gayundin ang umiiral na proseso sa pagpapanagot sa bise presidente.
Inamin naman ng mambabatas na hindi madali ang usapin ng Cha-cha lalo’t maraming agam-agam ang ilan, kabilang ang mga usapin ng term extension sa mga halal na opisyal ng gobyerno.
Sa kabila nito, naniniwala ang kongresista, na ang Konstitusyon bilang pangunahing batas ng bansa, ay dapat malinaw, matatag, at madaling maunawaanng hukuman, mambabatas, at lahat ng mamamayan na pinangangalagaan ang karapatan.