32,982 total views
Kumilos na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maghanap ng epektibong solusyon sa lumalalang problema ng online gambling sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng serye ng konsultasyon kasama ang iba’t ibang sektor upang suriin ang epekto nito sa lipunan at sa kriminalidad.
Ayon sa Pangulo, “May ginagawa na ngayong ‘conclave’ kung saan kinukonsulta ang lahat ng partido kabilang na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines, mga magulang, mga guro, mga eksperto sa addiction at maging ang mga pulis para malaman ang epekto sa kriminalidad.”
Binanggit din niya na kailangang pag-aralan nang mabuti ang mga opsyon bago magtakda ng malinaw na polisiya laban sa illegal gambling. “And we really have to examine what are the options. Ano pa talagang policy natin dapat gawin dito sa illegal gambling? Because it’s not that simple. Ang nagiging sigaw lagi, ban this, ban, ban, ban.”
Binanggit ng Pangulo ang karanasan sa e-sabong ilang halimbawa ng mga hamon sa pagbabawal. “Ano ang nangyari sa e-sabong? Tingnan natin. Natigil ba? Magkano ang pusta sa e-sabong? 50 centimos. So, lahat talaga nadadamay. Let’s use that as an example. Successful ba yung pag-ban natin sa e-sabong? Kung hindi, bakit hindi naging success? Yun ang mga kailangan natin pag-aralan.”
Dagdag pa niya, “Since nakita natin na nagka-problema, paano natin ayusin yung problema? Ang solusyon ba ay mag-ban o iba ‘yung gagawin natin? But in my opinion, ban will not take care of the problem. We have to be a little bit more measured in our response.”
Bukas naman ang Pangulo sa posibilidad ng pagbabawal kung ito ang pinakamainam na hakbang. “If it comes down to a ban, then we will ban. But if there are better solutions than a ban, we will take those on.”
Bukod sa inilabas na pastoral letter ng CBCP, ilang mga opisyal ng kalipunan ng mga obispo ang nanawagan ng ‘total ban’ laban sa online-gambling kabilang na sina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David at Cebu Archbishop-designate Alberto Uy.
Giit ng mga obispo, hindi matutumbasan ng kita o buwis mula sa sugal ang pinsalang dulot nito sa kabataan, pamilya at lipunan.






