12,873 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) sa mga bumubuo at lahat ng kasapi ng prison ministry ng Simbahan na mag-alay ng panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Pope Francis na pumanaw noong April 21, 2025.
Partikular na nanawagan si Military Bishop Oscar Jaime Florencio – chairman ng komisyon sa miyembro ng correctional community; mga Persons Deprived of Liberties (PDLs), kanilang mga pamilya, mga pinalaya na PDL, mga pari, madre, religious chaplains at gayundin sa mga Volunteers In Prison Service (VIPS) upang mag-alay ng mga panalangin para sa Kanyang Kabanalan Francisco.
Bahagi rin ng panawagan ng komisyon ang pananalangin para sa pagpapatuloy ng mga pinasimulang reporma sa prison ministry ni Pope Francis.
“The CBCP-ECPPC calls on all the members of the correctional community: the persons deprived of liberties (PDLs), their families, the released PDLs and their families, their victims, the correctional employees, the priests, nuns and religious chaplains and the lay volunteers in prison service (VIPS) to offer prayers for his soul’s eternal repose. Let us also pray that the reforms that Pope Francis had initiated be continued by his successor.” Bahagi ng panawagan ni Bishop Florencio.
Kinilala rin ng prison ministry ng CBCP ang puspusang pagsusulong ni Pope Francis na bigyang halaga ang kalagayan ng mga Persons Deprived of Liberties (PDLs) kung saan taon-taong bumibisita ito sa mga bilangguan lalo na tuwing Huwebes Santo upang personal na isagawa ang paghuhugas ng mga paa ng mga babae at lalakeng PDLs kabilang sa ibang denominasyon.
Ayon kay Bishop Florencio, ganap na naibahagi ni Pope Francis ang mensahe ng pagiging mapagpatawad ng Panginoon at ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga nagkasala upang makapagsisi sa kanilang nagawang kasalanan at muling makapagbagong buhay.
“Since the start of his papacy in 2013, he has consistently visited a prison every year, especially during Holy Thursday to wash the feet of male and female prisoners alike; some even members of other religious denominations, to put across the message that God is a forgiving God and He gives another chance to those who sin as long as they hold on to the Lord and make an effort to change and reform their lives.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Pagbabahagi ni Bishop Florencio, malaki ang impluwensya ng halimbawa ni Pope Francis sa mga obispo, pari, layko at iba pang lingkod ng Simbahan para sa higit na pagpapaigting ng misyon ng Simbahan para sa mga PDLs at sa mga bilangguan.
Paliwanag ng Obispo, tunay na naipamalas ni Pope Francis ang turo ni Hesus na pagbabahagi ng habag, awa at pagmamalasakit sa mga naisasantabi sa lipunan kabilang na sa mga PDLs na nakagawa ng pagkakasala sa buhay, kung saan sa kabila ng kalagayang pangkalusugan at patuloy na pagpapagaling matapos na maospital ay personal pa ring bumisita ang Santo Papa sa isang prison institution sa Rome noong Semana Santa.
“His Holiness, who was just recovering from his illness still visited a prison institution in Rome during the Holy Week. These gestures of the Pope had impacted greatly the Church and has inspired other Bishops and priests to do the same in the jails and prisons in their respective ecclesiastical jurisdictions. He showed the true example of Christ as contained in the Gospel showing Mercy and Compassion to the least, the last and the lost in our society.” Ayon pa kay Bishop Florencio.
Binalikan rin ng Obispo ang paninindigan ni Pope Francis laban sa usapin ng pagpapataw ng death penalty kung saan makailang-ulit na binigyang diin ng yumaong Santo Papa ang posisyon ng Simbahan laban sa parusang kamatayan at isulong ang total abolition nito sa buong daigdig.
Pagbabahagi ni Bishop Florencio, “His Holiness had also put to rest the nagging issue of the death penalty, when he delivered a passionate speech before the United States Congress in 2015 calling for the immediate abolition of the death penalty in all forms. In 2018, he clarified the Catholic Church’s position that the death penalty is inadmissible in all instances, and urged the church leaders to work consistently towards its total abolition worldwide.”
Bukod sa parusang kamatayan ay una na ring nagpahayag ng hindi pagsang-ayon si Pope Francis sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa Santo Papa ay labag sa dignidad ng tao at pagkakataong muling makapagbago.
Sa kabila ng 38-araw na pagkakaospital sa Agostino Gemelli University Polyclinic sa Roma at patuloy na pagpapagaling mula sa kanyang naging karamdaman ay personal pa ring nakabisita si Pope Francis sa isang bilangguan sa Roma noong Huwebes Santo – April 17, 2025 upang patuloy na isagawa ang kanyang nakagawiang pagbisita sa mga PDLs tuwing Mahal na Araw.
Pumanaw si Pope Francis sa kanyang residencia sa Casa Santa Marta sa Vatican noong April 21, 2025 sa edad na 88-taong gulang isang araw makalipas ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ganap na alas-syete trentay-singko ng umaga oras sa Roma -na ala-una trentay-singko ng hapon oras sa Pilipinas.