161 total views
Ikinatuwa ni whistleblower Jun Lozada ang pangako ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA na pagsasabatas ng Whistleblower Protection Act.
Ayon kay Lozada, magandang kombinasyon ang Freedom of Information o FOI at ang whistleblower protection act para labanan ang katiwalian sa mga opisyal ng bayan.
Inihayag ni Lozada na walang maglalakas ng loob na magsumbong ng katiwalian kung hindi maisasabatas ang FOI at whistleblower protection act.
Iginiit ni Lozada na mahalagang maging epektibo ang batas sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan tulad ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maging makatotohanan ang paglaban sa laganap na korupsiyon.
“Siyempre it will be a very welcome development for people like us especially with the FOI kasi kumbaga combination yan na kung may whistleblower ka at wala ka namang FOI wala namang maglalakas ng loob na magsumbong, wala rin di ba? So ito ay very important development mayroon ng whistleblower at FOI for executive branch. Kailangan na lang siguro na maisulong ang FOI sa lahat kasi ang corruption hindi lang limited sa executive sa lahat yan, very strong yan sa legislative at judiciary so those branch of government must be covered with the FOI,”pahayag ni Lozada sa Radio Veritas.
Sinabi ng Transparency International na ika- 95 na puwesto ang Pilipinas sa 2015 corruption perceptions index.
Batay naman sa Global Financial Integrity, 132.9 bilyong dolyar ang nawala sa Pilipinas sa nakalipas na limang dekada dahil sa korupsiyon at tax evasion.