1,593 total views
Patuloy ang isinasagawang damage assessment at validation ng humanitarian at social arm ng Diocese of Imus upang matukoy ang lawak ng pinsalang iniwan ng Bagyong Uwan, lalo sa mga pamayanang nasa baybayin ng Cavite.
Ayon kay Jerel Tabong, Humanitarian Response Coordinator ng Caritas Imus, patuloy pa nilang sinusuri at tinataya ang pinsala sa mga bahay at ari-arian sa mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyo.
“On-going pa rin ang aming damage assessment at validation sa mga nasirang bahay lalo na sa coastal areas,” ayon kay Tabong sa panayam ng Radyo Veritas.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Caritas Imus sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang agarang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan at makapagsagawa ng relief operations sa mga susunod na araw.
Batay sa situational report, nasa 18,364 indibidwal o 5,014 pamilya mula sa 21 bayan at lungsod ng Cavite ang inilikas sa 191 evacuation centers, karamihan mula sa lungsod ng Bacoor, at mga bayan ng Ternate at Silang.
Sa kasalukuyan, wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa pagdaan ng Bagyong Uwan.
Hinihikayat ng Diyosesis ng Imus ang publiko na ipagpatuloy ang pananalangin at pagbibigay-tulong sa mga naapektuhang residente habang nagpapatuloy ang pagtugon ng Simbahan sa mga nasalanta ng bagyo.




