85,211 total views
Mga Kapanalig, aabot sa halos 76 milyong Pilipino ang bumubuo sa tinatawag na voting population o mga nasa tamang edad na para makaboto. Sa bilang na ito, kulang-kulang 70 milyon ang registered voters. Pinakamarami ang mula sa mga batang henerasyon gaya ng mga Millennials at Generation Z; 63% o anim sa bawat sampung rehistradong botante ay kabilang sa mga henerasyong ito.
Ang mga Millennials ay tumutukoy sa mga ipinanganak sa pagitan ng 1981 at 1996. Binubuo nila ang 34% ng ating voting-age population. Ang mga Gen Z naman ay ang mga isinilang noong 1997 hanggang 2007. Sila ay 29% ng voting-age population. Sila ang mga Pilipinong hindi naabutan ang EDSA People Power Revolution, ang mapayapang pag-aalsa ng taumbayan para alisin sa puwesto ang pamilya Marcos. Sila ang mga Pilipino na maaaring kulang ang nalalaman tungkol sa yugtong iyon sa ating kasaysayan kung saan nanindigan tayo laban sa diktadurya. Sila ang mga Pilipinong maaaring hindi nakikita ang kahalagahan ng araw na ito tatlumpu’t siyam na taon na ang nakararaan—ang araw kung kailan bumalik ang demokrasya sa ating bayan.
Hindi naman natin sinasabing sila lamang ang walang nalalaman tungkol sa makasaysayang araw na ito. Kahit ang mga nakatatanda—kahit pa nga ang mga nakasaksi sa karahasang bumalot sa ating bayan sa ilalim ng batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos—ay tila walang nabitbit na leksyon mula sa mga pangyayaring humantong sa EDSA People Power Revolution. Lantaran bagamat dahan-dahang nakabalik sa poder ang pamilyang ginawang sariling bangko ang kaban ng bayan. Malakas pa rin ang kapangyarihan at malawak ang impluwensya ng pamilyang nakinabang sa pamumunong nagpalaganap ng takot. Samantala, ang mga biktima ng gobyernong diktador—gamit ang pagto-torture at sapilitang pagdakip—ay hindi pa rin nakakamit ang katarungan.
Itinuturing natin sa Simbahan ang EDSA People Power Revolution bilang isang himala. Sa harap ng mga tangke at puwersa ng militar na handang saktan ang mga nagtipun-tipon para ipanawagan ang pag-alis ng pamilya Marcos, walang dugong dumanak. May mga karahasang naganap bago ang araw na iyon, pero sa huli, kapayapaan ang namayani. Mapayapang pagbabago ang ating nakamtan. Kaya mainam na paalala sa atin ang nasasaad sa Mikas 6:5: “Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”
Mahalagang patuloy nating inaalala ang EDSA People Power Revolution, lalo pa’t gaya ng inaasahan, hindi na ito pista-opisyal sa ating bansa. (Bakit naman ito gugunitain ng gobyernong pinatatakbo na ngayon ng mga taong pinatalsik ng taumbayan?)
Mahalagang maipaunawa sa ating lahat, lalo na sa kabataan, na ang diwa ng EDSA People Power Revolution ay hindi lamang tungkol sa tunggalian ng mga pulitiko o mga nagbabanggaang puwersa sa pulitika. Hindi lamang ito tungkol sa pagpapababa sa puwesto ng mga pinunong hindi gusto ng mga tao. Hindi lamang ito karaniwang kilos-protesta ng mga galit sa gobyerno.
Ang diwa ng EDSA ay nakaugat sa mga dapat na pinahahalagahan natin bilang isang bayan—isang lipunang malaya, isang gobyernong naglilingkod sa tao, isang bansang naninindigan para sa katotohanan, katarungan, at karapatan—mga bagay na pinahahalagahan din ng ating Simbahan.
Mga Kapanalig, maaaring sabihin ng ibang hindi na pinag-aaksayahan ng panahon ng mga tao ang EDSA People Power Revolution, lalo na’t mas mahalaga para sa kanila ang makapagtrabaho at mapakain ang kanilang pamilya. Hindi natin masisisi ang mga nagsasabi ng ganitong sentimiyento. Pero ito nga ang bunga ng paglimot natin sa diwa ng EDSA, at nanganganib itong magpatuloy sa mga nakababatang henerasyong hindi ito nauunawaan at hindi na ito pinahahalagahan. Maaari itong magpatuloy kung sa darating na eleksyon, hahayaan nating manalo ang mga pulitikong salungat ang isinusulong sa diwa ng EDSA.
Sumainyo ang katotohanan.