17,784 total views
Nakikiisa ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng makasaysayang ensiklikal na Laudato Si’ ni Pope Francis.
Ayon kay Bishop Socrates Mesiona, ang paggunita sa isang dekada ng kauna-unahang ensiklikal na nakatuon sa pangangalaga sa kalikasan nawa’y magsilbing paalala sa lahat na ang nag-iisang tahanan ay likas na yaman at biyaya ng Diyos na dapat pakaingatan.
“We commemorate the 10th anniversary of Laudato Si’, Pope Francis’s landmark encyclical that calls us to care for our common home. This message has a great impact on us here in the Philippines, considering the beauty of our natural environment, which is deeply intertwined with the lives of our people,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng obispo ang kahalagahan ng mensahe ng yumaong Santo Papa para sa mga Pilipino, lalo na sa mga pamayanang malapit sa kalikasan tulad ng mga katutubo, mangingisda, at magsasaka.
Ayon kay Bishop Mesiona, malinaw na makikita sa Pilipinas ang malalim na ugnayan ng tao at kalikasan, at sa tuwing inaabuso ito, direktang naaapektuhan ang kabuhayan at kaligtasan ng mamamayan.
“We cannot deny that the destruction of forests leads to soil erosion, impacting farmers and food security. Pollution of rivers harms fisherfolk and endangers our water supply,” dagdag ng obispo.
Pinaalalahanan din ng obispo ang publiko sa panawagan ng Laudato Si’ para sa ‘ecological conversion’ o pagbabagong-loob tungo sa mas responsableng pamumuhay.
Aniya, hindi sapat ang kaalaman, bagkus, kinakailangan ng tunay na pagsisisi, pagbabago ng pananaw, at konkretong pagkilos.
Hamon din ni Bishop Mesiona sa mamamayan, pamahalaan, at simbahan, na magtulungan sa pagtataguyod ng lipunang may malasakit sa kalikasan, bilang paghahanda sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
“As we celebrate the 10th anniversary of the document, let us work together to protect our common home, ensuring a sustainable and equitable future for all Filipinos,” panawagan ni Bishop Mesiona.