1,499 total views
Ang Mabuting Balita, 08 Disyembre 2023 – Lucas 1: 26-38
ESPESYAL NA TUNGKULIN
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang
Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.” “Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
————
Ang espesyal na tungkulin ng KABABAIHAN sa ikot ng buhay ng tao ay naging maliwanag noong tinawag si Maria upang maging ina ni Jesus. Bagama’t si Jesus ay mayroong Ama sa langit, kinailangan niyang magkaroon ng ina sa lupa upang maging tao siya. Sa ikot ng buhay ni Jesus: “Fetus” – kinailangan niyang dalhin ng 9 na buwan sa kanyang sinapupunan; “Infancy” – kinailangan niyang magpasuso; “Toddler” – kinailangan niyang turuang lumakad, magsalita, atbp.; “Childhood” – kinailangan niyang turuan tungkol sa kultura ng kanilang bayan, mga pinahahalagahan, atbp.; “Adolescence” – kinailangan niyang gabayan; sa “Adulthood” lamang si Jesus na ang namahala sa sarili niya. Hindi natin binabale-wala ang naiambag ni San Jose bilang Ama-amahan ni Jesus, ngunit hindi natin maaaring bale walain ang ESPESYAL NA TUNGKULIN ng mga kababaihan sa Lipunan.
Sa panahong ito, dumarami ang mga nagaganap na “FEMICIDES” o pagpaslang ng mga babae, karamihan ay dahil sa malaking kaibahan sa pisikal na lakas ng babae at lalake. Ang Kavalerya (chivalry)ay naglalaho na. Ang pagbigay ng upuan sa mga bus na punung-puno, kahit sa mga matatandang babae ay umuunti. Marahil, kailangang alalahanin ng mga kalalakihan ang napakahalagang papel ni Maria at ang lahat ng kanyang naging sakripisyo, mailigtas lang ang sangkatauhan ng kanyang anak. Marahil, kailangang alalahanin ng mga kababaihan kung gaanong karangal si Maria bilang isang babaeng napili na maging ina ng Anak ng Diyos.
Maria, aming Ina, pinasasalamatan ka namin sa lahat ng ginawa mo para sa amin na mga anak ng Diyos!