
Franciscans, nakikiisa sa mamamayan ng Dupax del Norte sa pagtutol sa pagmimina ng Woggle Corporation
11,272 total views
Ipinahayag ng Order of Friars Minor (Franciscans) Philippines ang pakikiisa sa mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya sa pagtatanggol ng kanilang lupain, kabuhayan, at pamanang kultural laban sa eksplorasyon ng Woggle Corporation.
Ayon kay OFM Minister Provincial Fr. Lino Gregorio Redoblado, ang presensiya ng mga Franciscano sa Diyosesis ng Bayombong ay hindi lamang administratibo kundi pastoral na nakaugat sa pakikibahagi sa buhay, pag-asa, at pakikipaglaban ng mga mamamayan.
“We breathe the same air, walk the same soil, and share in the hopes and wounds of the people entrusted to our care. Because we live among them, we cannot be indifferent,” ayon kay Fr. Redoblado.
Kinikilala rin ng mga Franciscano ang panawagan ni Bishop Jose Elmer Mangalinao na igalang ang lupa bilang tanda ng pagkakakilanlan at tipan—isang pananaw na kaakibat ng espirituwalidad ni San Francisco na itinuturing ang kalikasan bilang “kapatid na Inang lupa” na dapat pangalagaan at hindi pagsamantalahan.
Nananawagan ang mga Franciscano ng agarang pagpapatigil at pagbawi ng lahat ng aktibidad sa pagmimina at eksplorasyon na isinagawa nang walang tunay na Free, Prior, and Informed Consent (FPIC).
Iginiit ni Fr. Redoblado na ang mga proyektong hindi kumikilala sa karapatan at dignidad ng tao ay hindi lamang mapaminsala sa kalikasan kundi labag din sa moralidad at pananampalataya.
“We are not outsiders commenting from afar; we are brothers living among the flock. Their struggle is part of our ministry; their safeguarding of the land is also our Gospel witness,” giit ni Fr. Redoblado.
Hinikayat din ng pari ang buong Franciscan community—mga pari, madre, layko, at kabataan—na patatagin ang pagkakaisa at pagkalinga sa kalikasan, sapagkat ang pangangalaga sa sangnilikha ay pagtalima rin sa Ebanghelyo at sa Diyos ng katarungan.
“For in standing with Dupax del Norte, we stand with the God of justice, with the wounds of creation, and with the future of our common home,” dagdag ni Fr. Redoblado.













