386 total views
13th Sunday of Ordinary Time Cycle A Peter’s Pence Sunday
2 Kgs 4:8-11.14-16 Rom 6:3-34.8-11 Mt 10:37-42
Madaling sagutin ang tanong: Mahal mo ba ang Diyos? Walang magsasabi na hindi. Oo, mahal ko siya. Pero, mahal mo ba ang Diyos ng higit sa lahat? Ng buong puso mo, ng buong isip mo at ng buong lakas mo? Kung talagang nag-iisip tayo, medyo mahirap na maging honest na mahal ko ang Diyos ng higit sa lahat. Mahal ko ang Diyos pero madalas nauuna pa ang aking kapakanan, mas mahal ko pa ang aking girlfriend o ang aking anak o aking trabaho. Nangyayari ito kung nahuhuli ang aking commitment sa Diyos kaysa commitment ko sa iba. Mas nauuna pa ang pamamasyal kaysa pagsimba. Mas nauna pa ang trabaho kaysa dasal. Mas nasusunod ko ang aking hilig kaysa ang utos ng Diyos.
Pero ang pag-ibig sa Diyos ng higit sa lahat ang una at ang pinakamahalagang utos ng Diyos. Mamahalin natin siya ng higit pa nga sa ating mga magulang at mga anak, at higit pa nga sa pagmamahal natin sa ating sarili.
Bakit naman ganyan siya kalupit? Why does he want my all? He wants my all because he has given me all and he has given me his all. Ang Diyos ay ang nagbigay ng lahat ng akin. Lahat naman na mayroon ako ay galing sa kanya. Pati ang buhay ko ay galing sa kanya. Makakahingi siya ng lahat sa akin kasi binigay naman niya ang lahat ng mayroon siya sa atin. Binigay niya ang kanyang bugtong na anak. Si Jesus, ang bugtong na anak ng Diyos na naging tao, binigay din niya ang buong buhay niya, ang kahulihulihang patak ng kanyang dugo para sa akin, at hindi sa kahinaan niya o sa katandaan niya, kundi sa kasagsagan ng kanyang lakas, noong siya ay 33 years old pa lang. Bago humingi ang Diyos sa atin, siya ang naunang nagbigay sa atin.
Ang Diyos na humihingi ay marunong ding gumanti sa atin ng labis pa – siksik, liglig at nag-uumapaw pa. Ang pagiging mapagbigay ng Diyos ay pinakita ni propeta Eliseo sa ating unang pagbasa. Naging mabait ang babae na taga-Sunem sa propeta. Una, pinapakain siya kapag siya ay dumadaan doon. Pagkatapos, ipinagpagawa pa siya ng kwarto upang may mapapahingahan siya. Mayaman ang babae at ang kanyang asawa. Wala naman silang kailangan, maliban na wala silang anak. Sa pamamagitan ng propeta pinangakuan siya ng anak at nagkaanak nga siya ng lalaki. Hindi natin matatalo ang Diyos sa kabaitan. Kung mabait at mapagbigay tayo, mas lalong mabait at mapagbigay ang Diyos kaysa atin. Kahit nga isang basong malamig na tubig ang ibinigay natin sa lingkod ng Diyos ay magkakaroon ng gantimpala.
Minsan sinabi ni Pedro kay Jesus : “ Iniwan na naming ang lahat, ang bangka namin, ang aming pamilya, ang lupa’t bahay namin para sumunod sa iyo, ano naman ang matatanggap namin?” Sabi ni Jesus, walang nagbibigay sa akin ng bahay, ari-arian, lupa na hindi bibigyan ng isang daang ibayo sa buhay na ito, kasama ng pag-uusig, at buhay na walang hanggan sa kabilang buhay. Hindi pabaya ang Diyos, may utang na loob siya. Sobra kapag siya ay gumanti ng kabutihan.
Sinabi ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa na kung tayo ay namatay kasama ni Kristo mabubuhay din tayo na kasama niya. Iniwan na natin ang kasalanan noong tayo ay bininyagan. Nakikiisa din tayo sa muling pagkabuhay niya. May mabuting kapalit ang binibigay natin sa Diyos. Hindi niya tayo pababayaan kung kasama niya tayo.
Kaya mga kapatid, huwag tayong mag-alangan na magbigay. Ang panahon na binibigay natin sa Diyos sa panalangin at pagsisimba sa ating pagbabalik-handog ng panahon ay may masaganang katumbas. Walang nagdadasal na nagsisisi na nagsayang lang sila ng panahon sa pagdasal o pagsimba. Mas gumagaan ang loob at nagiging masigla pa sila dahil sa panahon na binigay nila sa Diyos. Mas natatapos at naiiayos nila ang kanilang mga gawain dahil sa kanilang pagdarasal.
Hangang-hanga ako dito sa Palawan na buhay pa ang pagbabayanihan. Tinatawag ito na dagyaw o gulpe mano, o sa atin pa, balik handog ng serbisyo. Madaling magawa ang mga bagay dahil sa sama-sama nating pagtutulungan. Iyan ay nangyayari din sa ating mga eskuwelahan sa taunang Balik-Eskuwela. Na-iimprove ang school dahil sa pagtutulungan ng mga magulang.
Ang balik-handog ng yaman ay nagdadala din ng pagpapala ng Diyos. Hindi lang tayo nagbibigay sa Diyos ng tira-tira natin. Regular at nakaplano tayong nagbibigay dahil regular din tayong tumatanggap ng kanyang mga biyaya. Hindi pera ang matatanggap natin kasi nag balik-handog tayo ng salapi. Ang bendisyon na matatanggap natin ay maaaring kapayapaan sa puso, kaligtasan sa karamdaman, masaganang ani o huli ng isda, o maayos na relasyon sa pamilya. Malikhain ang Diyos sa kanyang gantimpala.
Kaya mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat. Unahin natin siya sa lahat ng bagay. Hindi niya tayo pababayaan.
Ngayong Linggo ay Linggo ng pag-aalay natin sa Santo Papa upang mayroon siyang maitulong sa mga nangangailangan sa buong mundo. Peter’s Pense ang tawag sa collection na ito. Anuman ang maiaambag ninyo ay ibigay ninyo sa second collection. Ang lahat ng mga collection na ito ay ipapadala natin sa Santo Papa para makatulong sa mga nangangailangan. Tumutulong ang Santo Papa sa mga nabalo at nauulila sa giyera sa Ukraine. Nagpadala siya ng tulong sa tinamaan ng lindol sa Turkey. Noong tayo ay tinamaan ng bagyong Odette nagpadala din ang Papal Almoner, ang Cardinal na tagabigay ng limos ng Santo Papal, upang makapamigay ng 50 bangka sa ating mangingisda. Maging generous tayo at marami ang matutulungan natin. Ang pagiging mapagbigay na ito ay bahagi ng pagmamahal sa Diyos ng buong puso natin.