603 total views
Feast of the Dedication of the Lateran Basilica
Ez 47:1-2.8-9.12 1 Cor 3:9-11.16-17 Jn 2:13-22
Ang ibig sabihin ng salitang Cathedra ay Luklukan. Ang cathedral ay isang simbahan kung saan matatagpuan ang opisyal na luklukan ng obispo kung saan siya nagpapahayag ng mga opisyal na mensahe niya sa mga tao at kung saan siya namumuno sa mga opisyal na gawain ng simbahan. Ang cathedral ay ang opisyal na simbahan ng obispo kaya ito ang pinakamahalagang simbahan sa diyosesis o sa bikaryato. Ngayon hindi pa tapos ang ating cathedral sa bikaryato ng Taytay. Pinagsisikapan nating tapusin ito at kapag natapos na, itatalaga natin ito. Ang araw ng kanyang pagtatalaga ay magiging fiesta ng buong bikaryato.
Ngayong araw ay ang pagtatalaga ng Basilika ( o malapalasyong simbahan) ng Laterano sa Roma. Ang araw na ito ay kapistahan sa buong mundo kasi ang Lateran Basilica ay ang cathedral ng Santo Papa. Dahil ang Santo Papa ay ang pangunahing pastol ng buong mundong Katoliko, kaya ang kanyang cathedral ay ang pangunahing simbahan ng buong mundo.
Ano ang ibig sabihin ng kapistahang ito? Sa pakikiisa natin sa kapistahan ng cathedral ng Santo Papa, nakikiisa tayo sa Santo Papa na ngayon ay si Leon ika-labing apat. Kinikilala natin siya bilang ating pastol kaya sumusunod tayo sa kanyang mga aral at pinapahalagahan natin ang kanyang pangunahing simbahan.
Sa pagdiriwang natin ng isang simbahan, hindi natin binibigyang halaga ang isang gusali lamang. Ang gusaling simbahan ay tanda ng pagkakaisa ng sambayanan ng Diyos. Ang gusali ay binubuo ng maraming bahagi – may sahig, may pintuan, may poste, may bintana. Pero ang lahat ng bahagi ay may isa lamang pundasyon. Gayon din ang simbahan bilang bayan ng Diyos. Iba-iba tayo at iba-iba ang gawain natin. May katekista tayo, may taga-kanta, may pari, may obispo, may matatanda, may mga bata, pero iisa lang ang ating pundasyon at iyan ay si Jesukristo. Kaya ang gusaling simbahan ay tanda ng marami at iba’t iba pero iisa lamang. Ganyan tayo bilang Bayan ng Diyos.
Sa pagkakaisa natin bilang bayan ng Diyos nandoon ang Diyos, nandoon si Kristo. Pumupunta tayo sa simbahan kasi gusto nating makiisa sa Diyos. Pero ang simbahang pinupuntahan natin ay hindi lang ang building, kundi ang mga kristiyano na nagkakatipon sa building na iyon. Si Kristo ay nandoon hindi sa isang lugar, kundi sa pagtitipon ng tao na nakikinig sa Salita ng Diyos at nagdarasal. Ang tagpuan natin sa Diyos ngayon ay wala na sa simbahan bilang lugar, kundi sa simbahan bilang sambayanan ng Diyos. Sinabi ni Jesus sa ating ebanghelyo, “Gibain ninyo ang templong ito at itatayo ko sa ikatlong araw.” Ang tinutukoy niya ay ang kanyang katawan at hindi ang gusaling templo ng Jerusalem na apatnapu’t anim na taon nilang tinatayo.
Kaya mga kapatid, habang nagsisikap tayo na tapusin ang ating cathedral o ang ating chapel, habang nagsisikap tayong pagandahin ang ating simbahan, huwag nating kalimutan na naging simbahan lamang ang chapel kasi tayong bayan ng Diyos ay nagtitipon doon. Tayong mga tao ang nabibigay halaga sa ating chapel o gusaling simbahan. Kaya mas pagsumikapan natin na punuin ang building ng mga taong nagdarasal. Doon sa kanyang bayan matatagpuan natin si Kristo.
Sa Europa mayroon silang maraming simbahan na mga bato at magaganda, pero wala ng nagsisimba. Nawalan na ng halaga ang simbahang bato, kaya sinisira na lang nila at ginagawang apartment, o kaya ginagawang restaurant o museum. Hindi po sana mangyari ito sa atin. Kapag tayo ay humihingi ng pampaayos o pampaganda ng simbahan, may mga tao na basta na lang magpadala ng pera pero hindi naman sila nagsisimba. Hindi lang pera ang kailangan natin. Kailangan natin ang presensiya ng mga kristiyano sa ating pagsisimba.
Si propeta Ezekiel ay mayroong pangitain. Nakita niya ang bagong templo sa Jerusalem na tinayo. Sa altar ng templong ito ay may tubig na pumapatak. Tuloy tuloy ang patak ng tubig na ito. Habang dumadaloy ito ay naging isang batis, at naging isang malaking ilog na dumaloy sa Dagat na Patay. Kung saan dumaloy ang tubig na galing sa templo, nagkaroon ng buhay. Nagkaroon ng mga puno sa pampang ng ilog. Ang mga ito ay namumunga ng buwan buwan. Ang dahon sa mga puno ay nagagamit na gamot. Ang Dagat na Patay na dinaluyan ng tubig ay nagkaroon ng buhay. Nagkaroon na ng mga isda doon. Pinapakita sa pangitaing ito na sa templo, sa simbahan nanggagaling ang grasya ng Diyos na nagbibigay buhay.
Pumupunta tayo sa simbahan dahil mula doon nagkakaroon tayo ng sigla na dala ng ating pananampalataya sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos na pinapahayag sa simbahan, napapalakas ang ating loob sa ating mga gawain. Sa ating mga dasal sa simbahan gumagaan ang ating loob at nararamdaman natin ang presensiya ng Diyos kahit na paglabas natin sa simbahan. At sa ating pagsisisi sa simbahan, napapalaya tayo sa hatak ng kasamaan sa trabaho at sa bahay. Ang ibig sabihin nito ay may epekto sa ating buhay ang ating pagsisimba sa simbahan. Dumadaloy sa ating pag-araw-araw na gawain ang grasya na natatanggap natin sa ating pagpunta sa simbahan.




