24,374 total views
26th Sunday of Ordinary Time Cycle C
National Seafarer’s Sunday
Migrant’s Sunday
Am 6:1.4-7 1 Tim 6:11-16 Lk 16:19-31
Maraming mga tao ang galit ngayon sa gobyerno, hindi lang dito sa Pilipinas, ganoon din sa ibang bansa, tulad ng sa Indonesia, sa Nepal, sa Francia. Pinapahayag ng taong bayan ang galit nila sa pag-rarally, sa mga post sa social media, at ang iba pa, sa pagsusunog ng mga opisina at mga bahay ng mga mambabatas. Sobra naman iyan. Ano ba ang ikinagagalit nila? Ang kadalasan ay ang corruption ng mga may kapangyarihan. Nakikita ito sa nakasisilaw na pagkakaiba ng buhay ng mga corrupt na biglang yumaman at ng pangkaraniwang tao. Tanggap naman natin na hindi naman pantay ang mga tao. Talagang may mayaman at may mahirap. Ang nakakainis at nakakagalit ay ang laki ng agwat ng mayaman at mahirap. Karamihan ng mga tao, may sahod lamang sila ng labing limang libo buwan buwan masaya na siya. May kumikita pa nga ng sampung libo lang. Ang nakakagalit ay may kumikita ng higit sa pitong daang libong piso, 700,000 pesos, sa isang buwan! Napakarami ay walang bahay o maliit lang ang bahay pero may mga politiko na lima o pito ang bahay, at may bahay pa sa abroad! Marami ay hirap sa pamasahe sa jeep o sa tricycle, pero may mga politiko na pabalik-balik sa America at Europa, at may helicopter pa at mga eroplano. Bakit ba ganito kalaki ng agwat sa buhay? Saan naman nanggaling ang pera nila? Mas lalong nakakagalit na ito ay galing sa taong bayan. Hindi ginagawa ang mga projects para sa tao o hindi ginagawa ng maayos para may makuha sila sa bawat project. Ang taong bayan, ang taong maliliit, ang ninanakawan nila.
Hindi lang tayo ang nagagalit sa mga kalagayang ito. Pati ang Diyos ay nagagalit dito. Sa ating unang pagbasa sinabi ni propeta Amos na kahabag-habag kayong nabubuhay na maginhawa, natutulog sa malalapad at mamahaling kama, pakain-kain ng mamahaling karne at inumin, gumagamit ng mamahaling pabango. Walang ginagawa kundi pakanta-kanta na lang. Wala kayong pakialam sa malubhang kalagayan ng inyong lipunan, na maraming mga tao ay gutom at walang tirahan. Hindi kayo nababahala na pabagsak na ang inyong lipunan. Ayyy… talagang babagsak ang inyong kaharian at kayo ang mauuna na ipapatapon na bihag sa ibang bansa! Galit ang propeta, galit ang Diyos, sa mga hindi nababahala sa kalagayan ng mahihirap at pa-good time good time lang sila. Lalo na kung ang pinag-go-good time nila ay galing sa mahihirap.
Ganoon din ang talinhaga ni Jesus tungkol sa mayaman at ang mahirap na si Lazaro. Unang nakakatawag ng pansin sa talinhaga na ito ay may pangalan ang mahirap. Kilala siya ng Diyos, pero ang mayaman ay walang pangalan. Kakaiba ito sa ating karanasan. Kilala natin ang mga mayayaman, pero hindi pinapansin at wala ngang ID ang mahihirap.
Malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Ang mayaman ay may magagarang damit. Si Lazaro ay halos hubad at ang damit niya ay ang kanyang mga sugat. Siguro may pabango ang mayaman at kay Lazaro ang nakahaplos sa kanyang katawan ay laway ng aso, siguro aso ng mayaman, na dumidila sa mga sugat niya. Masagana sa pagkain ang mayaman at si Lazaro ay nag-aabang lang ng mumo na nahuhulog sa lamesa ng mayaman. Hindi naman masasabi na hindi kilala at hindi alam ng mayaman ang kalagayan ni Lazaro. Nandoon lang siya sa pintuan ng kanyang bahay. Araw-araw nakikita niya siya.
Dumating ang kamatayan. Mayaman man o mahirap, papasok tayo sa pintuan ng kamatayan. Pantay tayo rito. Siguro ang mayaman ay dadaan pa sa ospital, may mga caregiver pa at magkakaroon sila ng magarang lamay at mala-palasyong libingan. Baka ang mahirap ay itatapon lang sa hukay na walang marka. Pero darating ang katarungan ng Diyos.
Ang kahirapan ng mahihirap ay alam ng Diyos. Kilala sila ng Diyos at pupunta sila sa piling ng Diyos. Ang mayayaman ay pupunta sa impiyerno, isang napakahirap at napakamainit na kalagayan na nagmamakaawa sila ng kahit isang patak lang ng tubig.
Pero bakit ba pumunta ang mayaman sa impiyerno at nagdurusa? Hindi naman sinabi na siya ay corrupt. Ang kasalanan niya, at kinilala niya ito, ay wala siyang ginagawa kay Lazaro, isang mahirap. Wala siyang ginawa upang tulungan ang mahirap. Kahit kilala niya si Abraham, walang magagawa ang mga santo na kilala niya kung hindi niya tinutulungan ang mahihirap.
Narinig natin ang sinulat ni San Pablo kay Timoteo sa ating ikalawang pagbasa: “Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan.” At ano ang sinasabi ng ating pananampalataya? Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili. Gusto mo bang pabayaan ka at hindi kaaawaan kung nangangailangan ka? Hindi! Huwag mo rin iyan gawin sa iba!
Kung ang mga mambabatas natin, ang mga contractors, ang mga kawani ng pamahalaan ay pumapansin lamang sa mga mahihirap nating kababayan, at sila ay kitang kita natin sa daan at sa news, at nakapaligid sila sa atin – ang mga nagtitinda ng bulaklak sa pagsimba natin, ang pumupunas ng ating kotse kung hihinto tayo sa traffic, ang namamalimos, ang mga nagdedeliver ng aking pagkain – maaatim ba nating nakawan sila at pabayaan? Maaatim ba nila na maging corrupt sila? Tingnan lang nila ang kalagayan ng napakaraming naghihirap na mga Pilipino. Ang mga OFW natin. Ang mga nalulungkot na mga manlalayag. Sila ang ninanakawan ng corruption. Ang para sa kanilang pangangailangan at pamilya ang ninanakaw nila. Ang kanilang pera din ang kinukuha nila kasi ang pera ng gobyerno ay pera ng mga nagmamalasakit na Pilipino. Malaki ang pananagutan nila sa harap ng Diyos. Alam ng Diyos ang kanilang ginawa!
Magkakaroon ng independent commission na mag-iimbestiga sa kanila. Sana may ngipin ang commissiong ito at maging patas ang mga nakaupo dito, pero makatakas man ang sinumang nangurakot sa bayan, hindi sila makakatakas sa mata ng Diyos.
Tayo naman, manunuod lang ba tayo sa tik-tok sa dramang ito na nangyayari sa bayan? Titingnan lang ba natin ang rally na nangyayari sa Maynila at sa ibang lugar? Mabagabag sana ang damdamin natin. Ating pera ang kinukurap, ang ninanakaw, ang nilulustay. Hindi man tayo makarally sa kalye, magkaroon tayo ng rally sa panalangin. Ipagdasal natin na magbago na ang bayan. Ipagdasal natin na manindigan na ang lahat para sa katuwiran. Huwag din tayong magpadala sa mga corrupt na politiko na namimigay ng ayuda at pera sa atin sa panahon ng election. Tingnan natin ang mga politiko na nasangkot sa corruption, ilan diyan ang binoto natin? Sana mas lalo na tayong maging mapili sa pagboto natin. Huwag tayong magpaloko sa mga politiko. Iwaksi na natin ang political dynasty, ang mga magkamag-anak sa politika. Hindi lang sila ang magagaling na Pilipino. Marami diyan ang magagaling kung bibigyan lang natin ng pagkakataon. Makiisa at magkaisa tayo sa pagbabago ng bayan!




