370 total views
Ito ang mensahe ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa mananampalatayang Filipino ngayong Pasko ng Pagsilang.
Tiniyak ng kinatawan ng Kanyang Kabanalan Francisco, na nanatili ang Diyos sa bawat isa sa kabila ng iba’t-ibang hamong kinakaharap tulad ng krisis pangkalusugang dulot ng corona virus disease na laganap sa buong daigdig.
“Do not be afraid! God is here even in the midst of these difficulties; He is close to you, He loves you and He will carry us through these difficulties,” pahayag n Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Sa ikatlong Misa de Gallo ng St. Anthony of Padua Parish sa Malate Manila na pinangunahan ni Arhcbishop Brown, binigyang diin nito sa kanyang pagninilay ang gawi ni San Jose na sa kabila ng mga pangamba ay buong pusong sumunod at nagtiwala sa Panginoon.
Ipinagdarsal ni Archbishop Brown na tulad ni San Jose ay tularan ng bawat mananampalataya ang kababaang loob sa pagsunod sa mga plano ng Diyos.
Inihayag ng kinatawan ng Santo Papa na sa tulong ng habag at awa ng Panginoon ay malalampasan ng bawat tao ang pagsubok na kinakaharap ng sambayanan.
“These things will pass, these difficulties especially this COVID-19 will not last forever; the Lord is with you,” dagdag pa ni Arhcbishop Brown.
Nagagalak ang Arsobispo nang personal na masaksihan ang masidhing pananampalataya ng mga Filipino sa kanyang unang public mass bilang Apostolic Nuncio ng bansa.
Itinuring nito ang Simbang Gabi na isang magandang uri ng ‘inculturation’ ng pananampalatayang Kristiyano lalo’t ang Pilipinas ang ikatlo sa mga bansang may pinakamaraming Katoliko sa buong daigdig na aabot sa mahigit 80-milyong katao.
“It shows the beautiful inculturation of the Catholic faith in the Philippines, a beautiful testament of the faith of the Filipino faithful,” ani ng arsobispo.
Nagpasalamat naman si Rev. Fr. Benny Tuazon, parish priest ng St. Anthony of Padua parish kay Archbishop Brown sa pagkakataong inilaan na makapagdiwang ng simbang gabi sa parokya.
Sa huli ay hinikayat ng Apostolic Nuncio ang mananampalataya na patuloy manalangin at kumapit sa pag-asang hatid ng Panginoong Hesus na isilang para sa kaligtasan ng buong sambayanan.