559 total views
Hinimok ni Balanga Bishop Rufino Sescon Jr. ang mga mananampalataya at deboto ng Nuestra Señora del Pilar na isabuhay ang pag-ibig ni Jesus sa pamamagitan ng paglilingap at malasakit sa kapwa sa pagdiriwang ng solemn declaration ng Sta. Cruz Parish – Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament bilang Basilica Minore de Nuestra Señora del Pilar noong Nobyembre 21 sa Maynila.
Binigyang-diin ng obispo na ang bagong dangal ng simbahan ay isang paanyaya sa mas malalim na misyon, lalo na sa pagsasabuhay ng Eukaristiya sa pang-araw-araw.
“This basilica must always remain a lamp of the Eucharist, a place where Jesus is truly encountered, not only in adoration, but in action. The Eucharist we adore must become the life we live,” ani Bishop Sescon.
Pinaalalahanan ng obispo ang mga deboto na hindi maaaring paghiwalayin ang pagsamba sa Banal na Sakramento at ang pagkalinga sa mahihirap at inaapi.
“We cannot worship Christ in the sacred host and then ignore Him in the needy and the oppressed,” ayon sa obispo.
Tinukoy rin ng obispo ang krus bilang paalala ng pag-asa at katapatan sa gitna ng pagsubok.
“The cross is not a symbol of defeat but of divine endurance. In a world that evades the cross, be bearers of the cross,” aniya.
Hinimok ni Bishop Sescon ang pamayanan na isabuhay ang pangalan at misyon ng parokya, lalo na sa panahong sinusubok ang bansa ng pagkakahati-hati at kakulangan sa pananagutan.
“Dear parishioners of Santa Cruz Church, live up to your name… So many circumvent transparency and truth… A cross-bearer is a preacher of truth, promoter of repentance and justice, upholder of charity and mercy,” dagdag ng obispo.
Binigyang-diin ni Bishop Sescon na ang pagkahirang bilang basilica ay higit pa sa karangalan; ito’y tungkuling patatagin ang misyon ni Jesus bilang tahanan ng pag-asa at kapahingahan.
“These titles are not decorations, but directions… True Marian devotion is not measured in gold and jewels… but in becoming bearers of the cross and the Eucharist,” aniya.
Nagpahayag din siya ng pag-asa na sa pamamagitan ng patnubay ni Our Lady of the Pillar, matatagpuan ng mga deboto hindi lamang ang mga himala kundi ang kanilang tunay na misyon sa buhay.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga rito ng deklarasyon, kasama sina Bishop Sescon at iba pang mga obispo mula sa iba’t ibang diyosesis.
Nagpasalamat naman ang Basilica Rector at Parish Priest Fr. Marc Bryan Adona, SSS sa lahat ng nakiisa at naghandog ng panahon, talento, at yaman para sa matagumpay na pagdiriwang.
Dumalo rin ang mga pari ng Archdiocese of Manila kasama ang Congregation of the Blessed Sacrament, na nangangalaga sa parokya mula pa noong 1957, sa pangunguna ng kanilang General Superior, The Very Rev. Philip Benzy Romician, SSS.




