439 total views
Hiniling ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa mananampalataya na ipanalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco.
Sinabi ng Nuncio na mahirap ang dinaranas ng Santo Papa dahil sa patuloy na pananakit ng tuhod dahilan upang ipagpaliban ang ilang mahalagang gawain sa Holy See.
“Let us pray for Pope Francis, especially during this time. Because of his knee causing a lot of pain and difficulty, he postponed his activities,” pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Una ng ipinagpaliban ng Vatican ang Apostolic trip ni Pope Francis sa South Sudan at Congo na nakatakda sa July 2-7 ayon na rin sa payo ng mga doktor ng Santo Papa.
Kinumpirma rin ng Holy See Press Office na hindi makadadalo si Pope Francis sa pagdiriwang ng Corpus Christi Mass at Procession sa dahil sa karamdaman.
Sa mga nakalipas na taon pinangunahan ng santo papa ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon na ginaganap sa Papal Basilica of St. John Lateran na susundan ng prusisyon sa St. Mary Major Basilica sa Roma.