296 total views
Inihayag ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na siya ay magtutungo sa Roma sa susunod na buwan upang dumalo sa isang mahalagang pagtitipon kasama ang lahat ng apostolic nuncio mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang nasabing pulong ay gaganapin kasama si Pope Leo XIV, ang bagong halal na Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Archbishop Brown, ang pagtitipon ay bahagi ng karaniwang gawain ng Vatican tuwing ikatlong taon, kung saan sabay-sabay na ipinapatawag ang mga nuncio upang makipagkita sa Santo Papa at makibahagi sa mga mahahalagang usapin ukol sa direksyon ng Simbahan sa buong mundo.
“Every three years, instead of individual meetings all the nuncios are coming at the same time and meet with the Pope, and that is what we will be doing this year in 2025,” anini Archbishop Brown. “So next month, literally a month from now, I believe I will be in Rome, but with all other nuncios to meet Pope Leo XIV. So I won’t be on a one-on-one meeting, it will be a 110 nuncios- one-Pope meeting.”
Ang pagtitipong ito ay kauna-unahang pagkakataon na makakaharap ng mga nuncio si Pope Leo XIV mula nang siya ay mahalal bilang ika-267 na Santo Papa nitong taong 2025.
Kilala sa kanyang pagiging miyembro ng Augustinian order, si Pope Leo XIV ay ang kauna-unahang Santo Papa mula sa Estados Unidos, na dati ring nagsilbi bilang obispo sa Peru bago naitalaga sa Vatican.
Si Pope Leo XIV ay nagpahayag ng intensyong ipagpatuloy ang mga pangunahing adbokasiya ni Pope Francis, lalo na ang pagtataguyod sa mga mahihirap, ang pagbibigay halaga sa mga isyu ng katarungan at kapayapaan, at ang pagharap sa mga hamon ng makabagong teknolohiya gaya ng artificial intelligence.
Kilala rin siya sa kanyang debosyon sa Mahal na Ina, partikular sa dambana ng Madre del Buon Consiglio sa Genazzano, Italya, na una niyang binisita matapos mahalal bilang Santo Papa.
Si Archbishop Brown, na nagsisilbi namang kinatawan ng Vatican sa Pilipinas mula pa noong 2020, ay aktibong nakikibahagi sa mga usaping panlipunan at panrelihiyon sa bansa. Ang kanyang pagdalo sa pagtitipon sa Roma ay inaasahang magbibigay daan upang maibahagi niya kay Pope Leo XIV ang kalagayan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas at ang pananampalataya ng sambayanang Pilipino.