1,678 total views
Hinamon ni San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. ang mga tagapaglingkod sa larangan ng social communications na maging “prophetic interpreters” ng kasalukuyang panahon sa liwanag ng Ebanghelyo.
Sa Concluding Mass ng SIGNIS Asia Assembly 2025 sa Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit o San Pablo Cathedral, binigyang-diin ng obispo na bagaman bihasa na ang marami sa paggamit ng teknolohiya, nananatiling bulag ang ilan sa tunay na kahulugan ng buhay at sa diwa ng pagkatao.
Ayon kay Bishop Maralit, na siya ring pinuno ng Federation of Asian Bishops’ Conferences – Office of Social Communication, tungkulin ng mga lingkod sa Ministry of Social Communications na basahin at unawain ang mga senyales ng panahon—maging ito ma’y tungkol sa digital noise, fake news, o pagbabago ng klima—gamit ang pananaw ng pananampalataya.
“Across Asia, we have become masters of reading screens. Yet many have lost the ability to read that which is [the] most important – basically, the human heart,” ayon kay Bishop Maralit.
Sa kanyang pagninilay, tinukoy ng obispo na ang mga naglilingkod sa gawaing pangkomunikasyon ay tinatawag hindi lamang upang mag-ulat ng mga pangyayari, kundi upang ipakita ang pagkilos ng Diyos sa kasalukuyan na isinasabuhay sa pamamagitan ng panalangin, pakikinig, at malasakit.
Nagbabala rin si Bishop Maralit laban sa kawalang-pakialam at katahimikan sa harap ng kasinungalingan, at hinimok ang mga tagapagpahayag ng pananampalataya na maging saksi ng katotohanan at habag.
Ipinaalala ng obispo na ang tunay na pakikipag-ugnayan ay nagmumula sa pagbabagong-loob at dapat isagawa bilang pamayanang nagkakaisa at nakikinig sa diwa ng pananampalataya.
“For Catholic Social Communicators, our mission is not merely to use media – but to create communion through media, to turn the screen into a space of encounter, a post into a moment of prayer, [and] a platform into a pulpit of hope. We must facilitate dialogue and encounters, no matter our differences,” paalala ni Bishop Maralit.
Nanawagan si Bishop Maralit na tugunan ang mga palatandaan ng panahon nang may pag-asa, sigasig, at layuning gawing makatao at maka-Diyos ang makabagong mundo ng teknolohiya.
Dagdag pa ng obispo, sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence, nananatiling mahalaga ang pagpapakatao at higit sa lahat, ang pagpapakabanal sa gawain ng komunikasyon.
“It is for us even more, to bring the divine style of God into communications in such a way that it is not only being humanized, but even more so Christified – where faith, hope, and charity are seen, felt, and heard,” saad ni Bishop Maralit.




