10,765 total views
Nababahala si Parañaque Bishop Jesse Mercado sa magkakasunod na trahedyang yumanig sa bansa — kabilang ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong September 30 at magnitude 7.5 na lindol sa Davao Oriental noong October 10 — na nagdulot ng matinding pinsala at pagdurusa sa maraming Pilipino.
Sa kanyang pastoral na liham, hinimok ng obispo ang mga mamamayan na magbuklod sa panalangin at pagtutulungan, hindi lamang upang harapin ang mga hamon ng kalikasan kundi pati na rin ang mas malalim na krisis ng moralidad sa lipunan.
“Even greater than the tremor of the earth is the moral earthquake of corruption that continues to shake our nation’s foundation. Corruption is a deep moral wound — it destroys truth, erodes trust, and corrupts the heart of our society,” ayon kay Bishop Mercado.
Binigyang-diin ng obispo na ang korapsyon ay isang “moral earthquake” na patuloy na sumisira sa katotohanan, tiwala, at pagkatao ng sambayanan. Aniya, hindi sapat ang pagbangon mula sa mga pisikal na trahedya kundi kailangang ituwid ang mga ugat ng kasamaan na sumisira sa pamahalaan at sa puso ng tao.
Kasabay nito, nanawagan si Bishop Mercado sa mamamayan na huwag panghinaan ng loob sa gitna ng mga kalamidad at krisis sa lipunan.
“We may have been shaken by the earthquakes of nature and of moral decay, but let us not allow our hope and faith to crumble,” dagdag ng obispo.
Hinikayat ng obispo ang lahat na ipagkatiwala sa pag-ibig ng Diyos ang pagbangon ng bansa, at pairalin ang pananampalataya sa konkretong gawa ng malasakit sa kapwa.
“Let us continue to extend our spiritual and material support to those affected, that they may rise again with renewed faith and hope in the Lord who never abandons His people,” aniya.
Binigyang-diin ni Bishop Mercado na ang tunay na paghilom ng bayan ay makakamtan lamang sa pagbabalik-loob sa Diyos at sa panunumbalik ng integridad sa pamumuno.
“As we rebuild the homes and churches destroyed by calamity, let us also rebuild our spiritual, moral, and social foundations as one Christian nation. Let our gratitude become concrete in our charity toward our brothers and sisters in need,” giit ni Bishop Mercado.
Ayon sa kanya, ang korapsyon ay hindi lamang usapin ng pamahalaan kundi isang sugat na nagpapalala sa epekto ng mga kalamidad, dahil ipinagkakait nito ang tunay na tulong sa mga dukha at naaapi.
Dalangin ni Bishop Mercado na magningas muli ang diwa ng pananampalataya, katapatan, at malasakit sa puso ng bawat Pilipino upang maipanumbalik ang isang lipunang makatao, maunlad, at nakaugat kay Kristo.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring tinutugunan ng simbahan katuwang ang pamahalaan at iba pang mga grupo ang mga naapektuhan ng lindol sa Cebu at Davao, habang nananawagan ng sama-samang panalangin para sa paghilom at pagbangon ng mamamayan.