1,073 total views
Nanindigan si Antipolo Bishop Ruperto Santos na mas makapangyarihan ang sambayanang Pilipino kaysa sa mga halal na lider, kaya’t higit kailanman ay mahalaga ang pagkakaisa ng mamamayan.
Sa kanyang mensahe sa Trillion Peso March noong November 30, iginiit ng obispo na dapat papanagutin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno at ang kanilang mga kasabwat upang maibalik ang katarungan sa taumbayan.
“We are not powerless. We are the lifeblood of this nation. We are the voice that cannot be silenced. They must return what they have taken, stand before the courts of justice, and ultimately, face the judgment of God,” pahayag ni Bishop Santos.
Mariin kinondena ng obispo ang “labis na kasakiman” ng mga nasa kapangyarihan na patuloy nagwawaldas sa pondo ng bayan habang ang mga kabataan ay napipilitang mag-aral sa mga silid-aralang sira at binabaha.
Ayon kay Bishop Santos, ang sama-samang paglahok ng mga mamamayan sa Trillion Peso March ay simbolo ng pagtindig para sa bawat karaniwang Pilipino.
“To every Filipino who labors with dignity and pays taxes with hope, the Trillion Peso March is for you… Justice is twisted: the poor are punished swiftly, while the corrupt feast on extravagant meals, untouched by the law,” aniya.
Hinimok din ng obispo ang publiko na magpatuloy sa pakikibaka para sa katotohanan, katarungan, at reporma, habang nananatili sa landas ng kapayapaan.
“Let our voices thunder across the land. Let our unity be our strength. Choose peace. March with purpose. Raise your voice with passion, but act with grace,” dagdag ni Bishop Santos.
Matagumpay ang ikalawang Trillion Peso March na inorganisa ng iba’t ibang sektor, kabilang ang Simbahan.
Nagsagawa rin ng lokal na pagkilos ang 86 na ecclesiastical territories sa buong bansa, kasama ang kani-kanilang parokya.
Pinangunahan ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang banal na misa sa pangunahing pagtitipon sa EDSA People Power Monument na dinaluhan ng libu-libong mananampalataya.




