4,004 total views
Nagbabala si Pope Leo XIV sa lumalalang “kawalan ng pagtitiwala sa buhay” sa gitna ng iba’t ibang suliraning kinahaharap ng tao at lipunan.
Kasabay nito, hinimok ng Santo Papa ang mananampalataya na pag-ibayuhin ang pag-asa at pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Sa kanyang general audience sa Vatican, iginiit ng santo papa na kailangang labanan ang “negative fatalism” at muling kilalanin ang buhay bilang kaloob ng Diyos na dapat pangalagaan at pagyamanin.
“God always stays faithful to his plan of love and life, even when humanity obeys the blind instinct of violence. Without hope, life risks appearing to be a parenthesis between two eternal nights,” ayon kay Pope Leo XIV.
Binanggit ng santo papa na marami ang nakararanas ngayon ng pangamba at tinitingnan ang buhay hindi bilang biyaya, kundi bilang bagay na dapat pag-ingatan para lamang sa sariling kapakanan.
Dahil dito, hinimok ng santo papa ang mamamayan na buong tapang na ipagpatuloy ang pamumuhay sa kabila ng mga hamong panlipunan, pang-ekonomiya at pangkultural.
Tinukoy rin ni Pope Leo ang patuloy na karahasan, diskriminasyon at iba’t ibang anyo ng pagkaalipin sa mundo, at iginiit na nananatiling tapat ang Diyos sa kanyang planong maghatid ng buhay at pag-ibig sa sangkatauhan.
“Jesus constantly confirms his concern for healing the sick, restoring wounded bodies and spirits, and giving life back to the dead,” aniya.
Sa huli, tinuran ng santo papa na ang muling pagkabuhay ni Hesus ang pinagmumulan ng pag-asa sa gitna ng kaguluhan at kawalang-katiyakan.
Panawagan niya ang pagtitiyaga at muling pagtuklas sa pag-asa na handog ng Panginoon, na “patuloy na dumaraan at kasama natin hanggang wakas ng panahon.”




