179 total views
Mga Kapanalig, halos siyam na buwan na ang nakalipas mula nang isailalim ng pamahalaan ang maraming lugar sa bansa sa iba’t ibang uri at antas ng community quarantine upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19. Bago pa man ang hakbang na ito, matagal nang sinasabi ng marami na dapat ay nagkaroon ng travel ban sa mga dayuhang mula sa mga bansang marami ang bilang ng mga positibong kaso. Ngunit hinayaan ng pamahalaan ang mala-business-as-usual na pagpapasok sa mga dayuhan hanggang sa nagsimula na ngang kumalat sa atin ang COVID-19.
Nang ipinatupad ang community quarantine na maituturing na ring lockdown, nanawagan ang marami para sa pagsasagawa ng agresibong contact tracing at libreng mass testing. Hindi pa rin naisasagawa ang mga ito—o hindi pa rin nagagawa sa antas na katanggap-tanggap. Sa contact tracing, halimbawa, nagagawa lamang nating malaman ang hanggang pitong contacts o taong nakasalamuha ng isang taong may virus, gayong ang ideal na ratio ay 37 sa bawat isang taong may COVID-19 sa mga lungsod o urban areas, at 30 naman sa bawat isang taong maysakit sa mga kabayanan o rural areas. Isa sa mga sinasabing dahilan ay ang kawalan ng maayos na sistema at pagtatala ng mga kaso na hanggang ngayon ay manu-mano pang ginagawa ng mga lokal na pamahalaan. Kulang pa rin ang mga contact tracers sa bansa.[1]
Ang mass testing naman na hinihiling ng marami at mariing iminungkahi ng World Health Organization (o WHO) ay nitong nakaraang linggo lamang napagtanto ni Pangulong Duterte na mahalaga palang gawin.[2] Mahal daw kasi ang pagsasagawa ng swab testing lalo na sa mga pribadong laboratoryo at ospital, kaya naman hindi ito mapondohan ng pamahalaan. Nang ipaalam ni DOH Secretary Francisco Duque sa pangulo ang presyo ng swab test, inutusan niya ang kalihim na gamitin ang pondo ng pamahalaan para sa isang COVID-19 testing program. Ang mass testing ay ang pagtukoy sa mga taong may COVID-19 upang maibaba ang mga kaso sa bilang na mas kakayanin ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan ng bansa. Dapat na isagawa ang mass testing sa lahat ng mga suspected cases at mga naging close contacts nila, lahat ng health frontliners, at mga nakatira sa mga itinuturing na high-risk o vulnerable communities.
Umalingasaw na ang mga alegasyon ng katiwalian sa Philhealth, nakapagtambak na ng pekeng buhangin sa Manila Bay, at nabilhan na ang presidente ng pribadong jet na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso, ngayon lamang nasabi ni Pangulong Duterte—pagkatapos ng siyam na buwan—ang kahalagahan ng mass testing. Kung sabagay, noong Hulyo lamang niya itinuring ang COVID-19 bilang isang “top problem” o nangungunang problema natin sa ngayon.[3] Apat na buwan ito matapos isailalim ng administrasyon ang bansa sa lockdown.
Nagsimula na ang ibang bansa sa pagbabakuna ng kanilang mga mamamayan, pero tayo rito sa Pilipinas, nasa tinatawag pa ring first wave ng pandemya.[4] Bagamat talaga namang kulang ang ating kakayanang magpareserba ng bakuna gaya ng ginawa ng mayayamang bansa, marami naman tayong maaaring naisagawa sana kung naging maagap lamang ang ating pamahalaan, at isa na nga riyan ang mass testing. Ang kalagayan natin ngayon ay salamin ng kung anu-ano ang naging prayoridad ng pamahalaan.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes na humihingi ang masalimuot na kalagayan natin ngayon ng pagkilos ng pamahalaan upang maitatag ang mga kondisyong tutulong sa mga taong makamit ang kanilang kabuuang kagalingan o total well-being.[5] Sa kasalukuyang krisis, dapat na naglapat ng solusyong medikal ang pamahalaan isang problemang medikal. At nakasalalay ito sa mahusay na pamumuno. Sabi nga sa Roma 12:8, kung pamumuno ang natanggap ninyong kaloob, mamuno kayo nang buong sikap.
Sumainyo ang katotohanan.