1,116 total views
Kapanalig, hindi maunawaan ng marami nating mamamayan na hindi pantay ang kalayaan ng mga babae at lalaki sa ating lipunan. Moderno na kasi ang panahon natin ngayon, at nakikita natin na tunay nga namang mas visible at mas may “say” ang mga babae sa ating bansa. Marami na tayong mga naging lider na babae. Marami na tayong mga babae sa mga trabahong nakagisnan natin na pang-lalaki dati, gaya ng pagiging pulis at sundalo. Mas marami na rin ang kumikilala sa kakayahan at galing ng kababaihan sa ating bayan. Pero bago maabot ng mga Filipina ang estadong ito, napakalaking mga balakid ang kanilang pinagdaanan at pagdadaanan pa. Hanggang ngayon, marami pa ring hadlang sa patuloy na kaunlaran ng mga kababaihan. Ang mga hadlang na ito ay nagdudulot ng mababang labor participation rate ng mga kababaihan. Sa ating bansa, nasa 49% lamang ang labor participation rate ng babae, ayon sa isang pag-aaral ng World Bank.
Ano-ano nga ang mga hadlang na ito?
Isa sa mga pangunahing balakid sa kaunlaran ng mga kababaihan ay ang dami ng nakaatang na responsibilidad sa kanila sa bahay kumpara sa mga lalaki. Sa ating lipunan, mas marami kasi ang naniniwala na ang babae ang dapat primary caregiver sa tahanan. Mas marami rin ang naniniwala na mas mahalaga na gawin nila ang mga gawaing bahay kaysa magtrabaho sa labas. Halimbawa, ang paglalaba ng damit, ang pamamalantsa, ang paglilinis ng bahay, at ang pagluluto ay karaniwang nakikita natin bilang gawain lamang ng babae. Ang mga gawain na ito ay hindi natin nakikita bilang shared responsibilities ng babae at lalaki.
Dahil sa mga gawaing bahay na maari naman paghatian ng mga miyembro ng pamilya, lumiliit ang labor participation ng mga babae, na malaking kawalan sa income hindi lamang ng pamilya, kundi ng bayan. Ayon nga sa World Bank, kapag tumaas ng kahit 0.5 percentage points lamang kada taon ang labor participation ng babae sa banse, tataas ng mga 6% ang gross domestic product o GDP natin pagdating ng 2040 at 10% ng 2050.
Kapanalig, kapag isinusulong natin ang kaunlaran ng kababaihan, sinusulong din natin ang kaunlaran ng pamilya at ng buong bayan. Kung titingnan ang datos, marami sa mga babaeng nagtatrabaho ay kumikita ng pareho o mas malaki pa kaysa sa lalake, kaya lamang napipigilan ito dahil sa paniniwala ng marami na kailangan ang babae ang manatili sa bahay at ng kawalan ng assistance para sa childcare at domestic care ng maraming tahanan. Maari natin mapataas ang antas ng partisipasyon ng mga kababaihan sa pamamagitan ng mga pagbabago ng polisiya gaya ng mas malawak na flexible at work from home arrangements, mas maayos at mas malawak na child care assistance, at ang mas malawakang pagbabahagi ng kaalaman ukol sa gender sensitivity.
Panahon na upang suriin natin ang lipunan upang maging patas ito pagdating sa oportunidad ng mga mamamayan. Ayon nga kay Pope Francis sa Fratelli Tutti: The organization of societies worldwide is still far from reflecting clearly that women possess the same dignity and identical rights as men. We say one thing with words, but our decisions and reality tell another story.
Sumainyo ang Katotohanan.