370 total views
Inanyayahan ni Rev. Father Rico Garcia – Rector ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary ang mga kabataang lalaki na tuklasin ang pagtawag ng Panginoon sa kanilang buhay.
Ayon sa Pari,magandang pagkakataon ang pagdiriwang ng Simbahan sa Taon ng mga kabataan upang mas mapalalim ng bawat isa ang kanilang pagkilala sa Panginoon at sa kalooban nito.
Hinimok din ng pari ang mga kabataan na subukang pumasok sa Seminaryo upang mabigyan ng malinaw na sagot ang nararamdaman ng mga ito na pagtawag mula sa Panginoon.
“Halina po kayo subukan n’yo pong mag-aral sa seminaryo. Kung nararamdaman n’yo po yung tawag ng Panginoon ito po marahil yung isang paraan upang mapagyabong, mapagyaman at mabigyan ng masmalinaw na sagot yung tawag ng Panginoon.” Paanyaya ni Father Garcia sa Radyo Veritas.
Dagdag ng Pari, hindi dapat matakot o isipin ng mga kabataan na “boring” ang buhay sa loob ng seminaryo.
Ipinakita sa isinagawang sportsfest ng mga miyembro ng Minor Seminaries na tinatawag na Isang Angkan Kay Kristo (SANGKAN), na hindi lamang puro pagdarasal at pag-aaral ang ginagawa sa seminaryo kungdi pati narin ang tagisan sa sports.
“Nakikita n’yo po dito ngayon na sa seminaryo hindi lang po puro dasal, hindi lang po laging nakaluhod, narito po saksi po, tumatalon, tumatakbo, naglalaro, ibig sabihin po napaka holistic po ng formation.” Dagdag pa ng pari.
Noong ika-21 hanggang 22 ng Nobyembre isinagawa ang SANGKAN Sportsfest sa mga grade 9 students sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary sa Makati City.
Hinirang na kampeon sa mga isinagawang laro ang mga sumusunod: Chess Champion: Mary Help of Christians Seminary Dama Champion: Our Lady of Mount Carmel Seminary Scrabble Champion: Our Lady of Guadalupe Minor Seminary Games of the Generals Champion: Mary Help of Christians Seminary Dart Champion: Oblates of St. Joseph Minor Seminary Pool Champion: St. Francis de Sales Seminary Table Tennis Champion: Oblates of St. Joseph Minor Seminary Volleyball Champion: Mother of Good Counsel Seminary Basketball Champion: Our Lady of Mount Carmel Seminary
OVER-ALL CHAMPION: Oblates of St. Joseph Minor Seminary
Ipinaliwanag naman ni Father Garcia na hindi lamang basta paglalaro ang isinagawang ito ng SANGKAN, dahil mas malalim pang kahulugan nito ang pagpalalakas ng bokasyon ng mga seminarista, pagpapalakas ng kanilang pagkakakilala kay Hesus, at mapalakas ulit ang kanilang pagiging magkakaibigan.
Ang SANGKAN ay binubuo ng 26 na mga minor seminaries sa buong Pilipinas, subalit ngayong taon ay 16 lamang ang nagawang makilahok sa pagdiriwang.
Kasabay din nito, ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-40 taong pagkakatatag ng Isang Angkan Kay Kristo na nagsimula noong ika-4 ng Pebrero 1978.