25,375 total views
I-aalay ng Diyosesis ng Antipolo ang mga misa tuwing Sabado sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral, alas-diyes ng umaga at alas-dose ng tanghali para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), Filipino Migrants at mga mandaragat.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, magsisimula ito ngayong Setyembre hanggang sa mga susunod na buwan at idadaos na tuwing sabado sa mga nasabing oras upang higit na kilalanin, ipanalangin at iparating ang pakikiisa sa mga manlalayag at nasa ibayong dagat.
“Simula ng buwan ng Setyembre 2025 hanggang sa mga susunod pang mga buwan ang mga Santa Misa dito sa atin, sa Katedral at Pangdaigdigang Dambana ng Nuestra Senora de la Paz y Buen Viaje ay patungkol at para; alay at handog sa atin mga Balikbayan, mga Maglalakbay at Maglalayag na umuuwi at babalik na muli sa kanilang mga tahanan o pinagtratrabahuhan sa iba’t ibang panig pa ng daigdig, ang pagdiriwang ng Santa Misa na iaalay at para sa kanila ay mula sa ikasampu ng umaga at ikalabingdalawa ng tanghali ng Sabado ng bawa’t buwan. Sila po, na mga Balikbayan, Maglalakbay at Maglalayag, ay atin bebendisyunan, ipapanalangin at pagkakalooban ng mga stampita ng atin mahal na Birhen ng Antipolo,” ayon sa mensahe ni Bishop Santos.
Inaanyayahan ng Obispo ang mga mananampalataya na patuloy na pinaigting na pagdedebosyon upang magkasabay na mapalalim ang pananamapalataya at iparating ang pakikiisa sa mga Pilipinong nangingibang bansa.
Tiniyak din ni Bishop Santos na naghihintay at handang tanggapin ng Mahal na Ina ng Nuestra Senora De La Paz y Buen Viaje ang mga Pilipinong dadayo o magdaraos ng Pilgrimage sa Dambana ng Antipolo.
“Magsimba at magparangal sa ating mahal na Birhen ng Antipolo, dito sa Katedral at Pangdaigdigang Dambana ng Nuestra Senora de la Paz y Buen Viaje. Masaya po kami sa inyong pagdating. Kagalakan po namin ang inyong pagdalaw. Kami po ay palaging sa inyo naghihintay. Ang ating mahal na Ina, ang mapaghimalang Birhen ng Antipolo, ay sa inyo ay tatanggap, makikinig at namamagitan sa inyong mga kahilingan at magpapatnubay sa inyong paglalakad, paglalakbay at pag-uwi tungo sa inyong kalakasan, kapayapaan at kaligtasan,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Santos.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority at Department of Migrant Workers, umaabot sa 2.16-million ang bilang ng mga OFW sa ibayong dagat, habang noong 2024 umabot sa 38.3-Billion US Dollar na katumbas ng 2.2-trillion Pesos ang kabuoang remittances ng mga OFW.




