8,122 total views
Inatasan ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang lahat ng pari sa Archdiocese of Cebu na buksan ang mga simbahan bilang pansamantalang kanlungan para sa mga mamamayang posibleng maapektuhan ng binabantayang Bagyong Tino.
Ayon kay Archbishop Uy, ito’y bilang tugon sa inaasahang epekto ng malakas na ulan at hangin na dala ng bagyo sa rehiyon.
Gayunman, nilinaw ng arsobispo na hindi kasama sa utos ang mga simbahan na napinsala ng malakas na lindol noong September 30, 2025, upang matiyak ang kaligtasan ng lahat laban sa anumang panganib.
“As Archbishop of Cebu, I have directed all priests to open the churches within the archdiocese as shelters for those seeking refuge during the storm. However, this does not include churches that were damaged by the recent earthquake,” ayon kay Archbishop Uy.
Hinimok din ni Archbishop Uy ang mga mananampalataya na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng lahat at nawa’y hindi na magdulot ng mas matinding pinsala ang bagyo.
Tiniyak din ng Archdiocese of Cebu ang pakikipag-ugnayan sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan at mga volunteer group sa mga paghahanda para sa kalamidad.
“Please stay safe and keep everyone in your prayers,” saad ni Archbishop Uy.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng Bagyo sa silangan-timog-silangan ng Guiuan, Easter Samar, taglay ang lakas ng hangin na 120 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 km/h, habang kumikilos patungong kanluran-timog-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Isinailalim na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ang gitnang bahagi ng Cebu at Cebu City, habang Signal No. 2 naman sa nalalabing bahagi ng lalawigan.




