4,041 total views
Mga Kapanalig, sa araw na ito, magkakaroon na ng Filipino Sign Languange (o FSL) interpreters sa lahat ng korte sa Pilipinas. Maituturing itong tagumpay para sa mga indibidwal na may kapansanan sa pandinig o bingi o deaf sa Ingles.
Pero alam n’yo bang may dalawang klasipikasyon ng “deaf”? Ang isa ay nagsisimula sa maliit na titik “d” habang ang isa naman, sa malaking titik “D”.
Ang deaf na nagsisimula sa maliit na “d” ay tumutukoy sa mga may kapansanan sa pandinig na maaaring gumagamit o hindi gumagamit ng sign language. Ang Deaf na nagsisimula sa malaking “D” ay tumutukoy sa mga bingi na gumagamit ng sign language. Lahat ng Deaf (may malaking ”D”) ay deaf (may maliit na ”d”), pero hindi lahat ng deaf (may maliit na ”d”) ay Deaf (may malaking ”d”). Pero lahat ng Pilipinong may kapansanan sa pandinig, maliit man o malaki ang titik “d” na ginagamit ay dapat nakikinabang sa ating sistemang pangkatarungan.
Kaya naman, inaprubahan ng Korte Suprema dalawang linggo na ang nakararaan ang “FSL Rules”. Alinsunod ito sa Republic Act No. 11106 o ang Filipino Sign Language Act. Tinitiyak ng FSL Rules na patas at epektibo ang akses sa katarungan ng mga Pilipinong may kapansanan sa pandinig, kabilang ang makabuluhan nilang pakikilahok sa court proceedings. Sa ganitong paraan, ang mga pagdinig sa korte ay hindi lang para sa mga nakaririnig.
Sa ilalim ng FSL Rules, magtatalaga sa bawat korte ng mga FSL at Deaf Delay interpreters mula sa listahan ng accredited interpreters ng Office of the Court Administration (o OCA). Ia-update ng OCA ang listahang ito taun-taon. Itina-translate ng FSL interpreters ang wikang sinasalita (o spoken language) sa sign language at ang sign language naman sa wikang sinasalita. Ang Deaf Delay interpreters ay nakikipag-usap sa mga tinatawag na “linguistically isolate deaf person” at “hearing non-signers.” Ang linguistically isolated deaf person ay hindi nakaiintindi ng sign language, habang ang hearing non-signers ay nakaririnig pero hindi marunong gumamit ng sign language.
Ire-refer ng mga korte ang mga binging partido o testigo sa isang kaso sa Komisyon sa Wikang Filipino para magsagawa ng Visual Communication Assessment for the Deaf. Tutukuyin ng assessment ang kanilang mga pangangailang pangkomunikasyon.
Ipinagbabawal din ng FSL Rules ang pagtatalaga ng interpreters na may conflict of interest sa kaso, gaya halimbawa ang mga kamag-anak ng mga binging partido o testigo. Binibigyan naman ng FSL Rules ng akses sa case records ang interpreters.
Sang-ayon sa mga turo ng Simbahan ang isinusulong ng FSL Rules na pantay na akses ng mga kapatid nating bingi. Kinikilala ng FSL Rules ang dignidad nila bilang mga kawangis ng Diyos. Kahit may mga limitasyon at kahirapang dinaranas dala ng kanilang kapansanan, may mga karapatan ang mga kapatid nating bingi na dapat kilalanin. Para mangyari ito, kailangang makasali sila sa lahat ng aspeto ng ating pampublikong buhay, pati na sa ating sistemang pangkatarungan.
Tungkulin nating lahat, bilang indibidwal at bilang lipunan, na tiyaking isinasaisip at tinutugunan ang mga pangangailangan ng mga bingi, gumagamit at nakaiintindi man sila ng sign language o hindi. Sabi nga sa Levitico 19:14, “Huwag ninyong lalaitin ang bingi… kundi katakutan ninyo ang Diyos.” Sa isang Kristiyanong pananaw, walang puwang ang diskriminasyon o pagsasantabi sa mga indibidwal na may kapansanan. Sa pagkilala sa kanilang dignidad at pagsigurong nakakalahok sila sa ating lipunan, pinupuri din natin ang Panginoon.
Mga Kapanalig, pinasasalamatan natin ang sangay ng hudikatura sa paglalabas ng FSL Rules. Hangad natin ang maayos na pagpapatupad nito nang masigurong nakakamit ng mga kapatid nating may kapansanan sa pandinig ang patas at tunay na katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.




