236 total views
June 9, 2020, 9:40AM
Nababahala ang Obispo ng Balanga Bataan sa biglaang paglaganap ng mga dummy account sa social media sapagkat maari itong makasisira sa tunay na may-ari.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, lubha itong mapanganib para sa isang indibidwal na ginawan ng pekeng account na maaring magpalaganap ng mga maling impormasyon sa publiko na makalalabag sa batas.
“This proliferation of fake Facebook and dummy accounts is very alarming, disturbing news. It is very dangerous as it can be used to harm or create false, derogatory information which could erode his credibility or destroy his reputation,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Santos na dapat alalahanin ng bawat isa ang mga napapaloob sa sampung utos ng Diyos partikular ang ikasiyam na utos na huwag pagnasahan ang pag-aari ng iba kung saan maituturing na konkretong halimbawa rito ang paggawa ng mga dummy accounts sa social media.
Umaasa ang Obispo na isabuhay ng mamamayan ang mga turo at asal na ipinamamalas ng mga magulang ang palagiang pagsasabi ng katotohanan at pag-iwas sa paggawa ng mga hindi makatotohanan at makatarungang kuwento na ikasisira ng kapwa.
Kaugnay dito ipinag-utos na ng Department of Justice ang agarang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police cybercrime unit upang tukuyin ang mga indibidwal na nasa likod ng paglikha ng mga pekeng facebook account na karamihan sa mga biktima ay pawang tutol sa Anti- Terrorism Bill.
Paalala ni Bishop Santos sa mahigit 70 porsyentong aktibo sa social media sa Pilipinas na maging maingat laban sa mga mapanamantalang indibidwal sa facebook at umaasang mananagot sa batas ang mga nasa likod ng insidente.
“Be vigilant, report fake FB accounts. Prosecute the perpetrators,” dagdag ng obispo.
Sa pahayag ng pamunuan ng Facebook ibinahagi nitong limang porsiyento na aktibong FB users sa mundo ay pawang fake accounts kung saan sa unang bahagi ng 2020 ay tinanggal na ang 1.7 bilyong pekeng account.