15,907 total views
Nakikiisa ang Vice-President ng Caritas Philippines sa dinaranas na kahirapan ng mga magsasaka at krisis sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Inihayag San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na ang nararanasang hirap ng mga magsasaka at mangingisda ay dulot ng kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan at climate change.
Hinimok naman ng Obispo ang mga magsasaka at mangingisda na huwag mawalan ng pag-asa dahil kalakbay nila ang simbahan.
“This year is the Jubilee Year of Hope, huwag po tayong mawalan ng pag asa. Ang susi sa ating pag-unlad ay nasa sarili nating mga kamay at sa kamay ng ating mga kapatid sa patnubay at tulong ng ating Maykapal. Naway magtagumpay ang inyong pagtipon-tipon at paghawak-hawak para ipakita at iparamdam na ang tanging hangad lamang ninyo ay isang mapayapa at maunlad na buhay hindi lamang para sa inyo kundi para sa mga susunod na henerasyon,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Inalala at ipinagdarasal din ni Bishop Alminaza ang mga kaluluwa at kapayapaan ng mga magsasaka sa Guimba at Talavera, Nueva Ecija na sinasabing winakasan ang buhay dahil sa pangambang hindi makabayad sa mga utang dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng palay.
Kasabay nito, nanawagan ang Obispo sa pamahalaan na tugunan ang problema ng mga magsasaka at mangingisda upang maibsan ang kanilang dinaranas na kahirapan.
“Ang pagkitil sa sariling buhay ay hindi paraan upang malampasan ang mga pinagdadaanang paghihirap ng mga magsasaka at mangingisdang Pilipino. Mabigat ngayon ang hinaharap dahil sa nakaraang mga batas na nagpapasok ng mga produkto galing sa ibang bansa at nagpalugi sa mga magsasaka. Nagkaroon din ng desisyon ang Korte Suprema na nagbanta sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino, subalit kahit mabigat ang hinagpis at paghihirap ng ating mga kababayan, hindi kailanman tayo iniwan ng Poong Maykapal na ginawa tayong kasangkapan para ipaglaban ang ating karapatang magkaroon ng maayos na kabuhayan ng hindi dumadaan sa dahas,” bahagi pa ng mensaheng ipinadala ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Kinatigan din ng Obispo ang isasagawang kilos-protesta ng 150-magsasaka mula sa Region 3 para hilingin sa pamahalaan ang suporta sa kanilang hanay.
Sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority noong 2023, nararanasan ng mga magsasaka at mangingisda ang 36.9% at 40.8% poverty incidence rate.