14,512 total views
Tiniyak ni San Pablo Apostol Tondo Manila Parish Priest Father Rey Daguitera ang pinaigting na pangangalaga sa kalikasan kasama ang mga kabataan at mananampalataya.
Ito ang pangako ng Pari sa pagdaraos ng ‘Ecolay:Takbo Para sa Mundo’ ng parokya katuwang ang EcoWaste Coalition.
Sinabi ni Father Daguitera na layunin ng Ecolay na mapalawak ang kaalaman ng mamamayan sa kinakailangang pagkakaisa at pagkilos upang labanan ang lumalalang epekto ng climate change at global warming.
“Itong pagtakbo natin o yung iba na may mga edad na, lakad na lang, para ipamahagi natin ang magandang balita na kailangan natin na pangalagaan ang ating kalikasan lalo na dito sa Tondo, nakita natin na talagang mas lalo nating kailangan dito na magkaroon ng kaalaman sa marami nating mga kababayan na sana mahalin natin, pangalagaan natin ang ating kalikasan para sa hindi lang ngayon, para sa susunod na henerasyon,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Daguitera.
Inaasahan din ng pari na magsagawa ng pilgrimage ang mga mananampalataya sa kanilang parokya matapos itong maitalaga ng Archdiocese of Manila bilang Jubilee Church for Ecology sa pagdiriwang ng buong simbahang ngayong 2025 ng Jubilee Year sa temang ‘Pilgrims of Hope’.
Nais ni Fr.Daguitera na maging inspirasyon ang Apostol San Pablo Parish ng mga mamamayan para gumawa ng makakalikasang inisyatibo tulad ng pagre-recycle, proper waste segregation, rain-water harvesting at paggamit ng solar power.
Ikinatuwa naman ni Crisanto Luague, zero waste campaigner ng EcoWaste Coalition ang pakikiisa ng mamamayan lalu na ang mga kabataan sa pagpapabuti ng kalikasan.
Naniniwala si Luague na ang mga kabataan ang susunod na mangangalaga at magbibigay ng proteksyon sa mundo.