140,046 total views
Hinihimok ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na tumulong sa mga nangangailangan kasabay ng pag-aayuno ngayong panahon ng kuwaresma na magsisimula sa February 17.
Sa inilabas na liham pastoral ni Bishop Pabillo, muling ilulunsad ng Pondo ng Pinoy ang FAST2FEED program upang makatulong sa programang Hapag-Asa na layong pakainin ang mga batang nagugutom at nakararanas ng malnutrisyon dulot ng kahirapan at epekto ng COVID-19 Pandemic.
Ito’y kaugnay sa paanyaya ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. sa pamamagitan ng Hapag-Asa Integrated Nutrition Program.
Ayon sa Obispo anumang matitipid sa pag-aayuno ay maaaring ibahagi bilang tulong upang mapakain ang mga batang malnourished.
“Whatever you save from fasting you may donate to be used in feeding children who are in danger of stunting and wasting,” ayon sa liham pastoral ni Bishop Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, kinakailangan lamang ang 10-piso bawat araw o P1,200 sa loob ng anim na buwan upang mapakain ang isang nagugutom na bata sa loob ng 120 araw.
Sa mga nais na magbahagi ng kanilang tulong, ipadala lamang ang donasyon para sa FAST2FEED sa Caritas Manila.
Ang Hapag-Asa Feeding Program ay pangunahing programa ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop-Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 na nangangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.
Sa tala ng ‘The State of the World’s Children: Children, Food and Nutrition’ noong 2019, isa sa bawat tatlong batang edad limang taong gulang ang maliit para sa kanilang edad, habang pitong porsyento naman ng mga kabataan ang magaan para sa kanilang dapat na timbang.
Taong 2015 nang inilunsad ang pagpapaigting sa mga programa ng Simbahan bilang tugon sa Zero Extreme Poverty Philippines 2030 na naglalayong matulungan ang may 1-milyong pinakamahihirap na pamilya o 5 milyong katao mula sa 350 mga piling munisipalidad sa bansa hanggang sa taong 2030.