5,001 total views
Mariing kinondena ng Conference of Major Superiors in the Philippines – Justice, Peace and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) ang desisyon ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa pahayag ng kapulungan, ang nasabing desisyon ay higit pa sa simpleng legal na hakbang sapagkat ito’y hayagang pagtataksil sa tiwala ng taumbayan at pangungutya sa institusyon ng bansa.
Iginiit ng CMSP, nabigo ang Korte Suprema sa tungkuling maging sandigan ng katarungan dahil pinili nitong manahimik at umasa sa teknikal na dahilan sa halip na pairalin ang pagiging patas at tapat.
“By shielding the Vice President from a legitimate process of accountability, the Supreme Court has deepened the growing perception that the law no longer serves the poor and the powerless, but protects only those with influence, pedigree, and proximity to power,” pahayag ng CMSP.
Hinamon din ng kapulungan si Duterte na patunayan ang kanyang katapatan at kawalang sala sa halip na magtago at umasa sa mga ligal na depensa.
Binigyang-diin ng CMSP na ang pagiging lingkod-bayan ay kaakibat ng tiwalang dapat tapat na magampanan, at higit sa lahat, hindi namamana, hindi pinangangalagaan ng mga political dynasty, at hindi ligtas sa pananagutan.
Nanawagan ang mga relihiyoso at relihiyosa sa mga mananampalataya, tagapagtanggol ng katotohanan, at mga lider ng Simbahan na magbuklod para sa mapayapang paglaban sa katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan.
“As consecrated persons, we are called to be watchmen of truth, defenders of the poor, and disturbers of unjust peace… Let us walk together as pilgrims of hope, not in denial, but in defiance of darkness. Let us walk as a Church not of the powerful, but of the poor and the prophetic,” dagdag ng CMSP.